Pagluluto ng Ampalaya(Para kay Clemen) Pumanaw ka na raw, kaibigan. Iniwan mo kaming nagdaramdam. Matagal kang niratay ng karamdaman, Ipiniit ng kirot sa higaan. Ibig kitang iyakan Ngunit bakit ko ipagluluksa ang kalayaan? Ibig kong ibulong ang kalungkutan Dahil may nabuong guwang ang iyong paglisan. Gayunman, alam kong walang dahilan Ang lumbay Dahil tigib na tigib Ang pag-ibig mo't buhay. Kaya, bayaan mo na lamang Alalahanin kita. Alalahanin ang huli nating pagkikita Nang magsalo tayo ng agahan sa Bliss Dala-dala mo ang sinangag, daing, talong at kamatis. Nangaral ka pa, kapatid, Nagtanong ng mga bilin, Paano si Ephree, ang mga trabahong tatapusin, Ang mga pangarap na pilit pang aabutin? Kaibigan, hindi kita nakuhang sagutin, Naabot na natin, naabot na natin. Mahahaba ang aninong inilalatag ng takipsilim, Sangmundong kahulugan, Santinakpang kabuluhan! Lumikwad ang gunita Ng linggong dalawin mo ako sa Honolulu. Sa pangalawang gabi ng pagtigil n'yo rito ni Juanito Gulay na ampalaya ang niluto n'yo. Maingat na maingat, pahilis mong hiniwa Ang kulubot na bunga, Tinuturol pa ang katutubong halaga Niyong pag-aayaw, pagpapareho Ng hugis, laki, at hiwa ng bawat rekado Gayundin ang pagtutumbas Ng dami at sukat. Wari'y ampalaya ang buhay ta Kulubot at mapait, tila kulang sa sigla. Nguni wala sa anyo ang taglay na sustansiya Kundi nasa timbang na pagsasama Ng pait at asim, ng tamis at pakla. At, naalala ko nang maggisa ka Nagbati ng itlog, masuyong isinama Kaya ang ulam nang mahain na Lalong matikas, lalong maganda, Di ba gayon ang pagkakaibigan, May pait ng pag-iring, may rikit ng paggalang; At dahil sa paglulutong pinakaingat-ingatan Ang kimkim na pag-ibig, lingap at tamis Niring nilutong ulam Pagsintang humain sa hapag ng katuwaan. Pumanaw ka na raw, kaibigan, Naiwan akong sugatan. Nakalaya ka na sa karamdaman Kaluluwa mo'y pumailanglang. Ngunit di ako nalulumbay Bagkus ipagdiriwang bago mong kasarinlan Habang tigib pa ako ng agam-agam Sa hiram kong kalusugan. Gugunitain ko ang huling pagluluto natin ng ampalaya, Ang lahat ng kaakibat na eksena: Bahay kong tinampuhan ng sigla, Kulubot at mapait na ampalaya, Paggigisang may pagsinta, Buhay na masustansiya-- Ito ang mga larawan ng huli nating pagkikita. Pikit na, Clemen, iduyan ang alaala, Sa malamyos na awitin ng laksang pag-asa. Mabubuhay kami sa rubdob at sigla Ng iyong naglalagablab na pagsinta. Oktubre 24, 2005 |
||