|
ANG AKING MGA NAMATAY (Para sa lahat ng Kaluluwa sa
Purgatoryo) Nitong mga huling araw Madalas kong kausapin
ang aking mga namatay: Silang maliligasgas ang kamay, May mga noong kunutan, Matang basa sa hinagpis, Balikat na nilaylay
ng pagtitis. Madalas ko silang
hagurin ng tanaw sa balintataw: Silang lagi't laging nakasahod
ang puso Sa ambon ng awa
at pagsamo. Ano't sa isang
sulyap mo Umaaliwalas
ang noo, Wari'y haplos na
maamo, Marahan at masuyo. Nitong mga huling araw Madalas kong ipagdasal
ang aking mga namatay: Silang nadaragdagan ang bilang araw-araw Dahil sa sakit,
sakuna, kalamidad at giyera. Hindi ko na mabanggit ang mga
pangalan nila, Ang mga mukha'y hindi ko na rin maalala, Baka rin hindi
ko kilala-- Isang hampas ng alon
at naging kaluluwa, Isang angil ng baril
at naglaho na; Naghikab si Linuk at nabaon
ang pung-libo Sa silong ng bato,
pundido at kongkreto. Wala na yatang
bisa ang aking litanya, Nabubulol
ako sa
pagsasaad ng 'purgatoryo', Nauubusan
na rin
ako ng mga
santo, Tila inaalinsangan ang dasal ko Dahil dumarami ang mga
namatay ko. Gayunman,
Kinakausap
ko pa rin
ang aking mga namatay: Silang ipinaglulusaw ng kandila Sa altar ng tuwa at unawa, Silang pinag-aalayan ng bulaklak Sa hapag kong mapaghanap. Pinagkakaitan nila ako ng katahimikan, Dahil nililigalig
ako ng walang
hanggang anasan. Nangungundiman sila kahit sa dilim Sumusumpong
ang pangako sa mga sulok at pinto. Sa labas, inihahatid ng hangin Ang pag-aasam. Sa loob, dasal silang
tumitimo. Kaawaan at patawarin ang kanilang kaluluwa, Umaamot ng sulyap at sambit
ang mga yumao, Dagdagan ang dasal, dagdagan
ang dasal, Isabay ang hinaing sa tibok at sasal. Naglipana
ang kaluluwa ng mga namatay, Hinihimok
kitang itulos ang alaala Sa dambana ng pag-asa, Dagdagan ang dasal, dagdagan
ang dasal, Kinakausap ako ng aking mga
namatay. Ipinagdiriwang ko ang aking mga
namatay: Silang ibinaon ng iba't
ibang panahon At iniiwan na
lamang sa aruga ng korona
at kandila. Huwag hayaang sa
lapida lamang lumista Ang mga pangalan nila, Maaanong mangako rin tayo
ng alaala, Masasamyong
gunita ng pagkabuhay nila sa lupa. Bayaang awitin ang kanilang
minsang pag-iral Sa bawat pagmulat ng diwa at mata.
Bayaang ang kahulugan nila'y
matirintas Sa mga bagong bagay
na tinutuklas. At, pangakuan sila ng kapayapaan Sa kapayapaan ng ating
kaluluwa. Ruth Elynia S. Mabanglo Hawaii, 12 Oktubre 2005 |
||