ANG PERSEPSYON NG MGA ESTUDYANTE UKOL SA PANGKATANG GAWAIN: PANIMULANG PAGSUSURI
RANEE CERVANIA
Kapiolani Community College
Email: ranee@hawaii.edu
________________________________________________________________________
Layunin ng panimulang pagsusuring ito na siyasatin ang ibat ibang persepsyon ng mga estudyante ng Filipino sa isang apat-na-taong pamantasan at kolehiyong pangmadla (community college) sa Hawaii ukol sa paggamit ng pangkatang gawain sa kanilang pag-aaral ng nasabing wika. Kalahok sa pananaliksik ang mga babae at lalaking may-gulang, na ang karamihan ay may etnisidad na Filipino. Susubukang sagutin ng pagsusuring ito ang mga sumusunod na tanong: (1) Ano ang persepsyon ng mga estudyante ng Panimulang Filipino (Beginning Tagalog) sa dalawang institusyong ito ukol sa karaniwang gamit ng pangkatang gawain? (2) Ano ang mga gusto at ayaw ng mga estudyante ukol sa pangkatang gawain sa kanilang pag-aaral ng panimulang Tagalog 102? (3) Ano ang persepsyon ng mga estudyante ukol sa resulta ng paggamit ng pangkatang gawain sa kanilang pagkatuto ng Filipino? Ipinahihiwatig ng mga resulta ng pagsusuring ito na mabuti ang paggamit ng pangkatang gawain sa pagkatuto ng wika. Sinusuportahan ng karamihan ng mga ebidensiya ang mga pahayag sa literatura ng pagsusuri sa paggamit ng pangkatang gawain sa silid-aralan. Sa kabuuan, ipinalalagay ng mga estudyante na nararapat ipagpatuloy ang pangkatang gawain bilang bahagi ng pag-aaral at pagkatuto ng wika.
________________________________________________________________________
Naipahiwatig ng pananaliksik na ang mumunting pangkatang gawain sa wika
ay nakapagbibigay sa mga mag-aaral ng mas higit na pagkakataong maranasan at magamit nang natural at tunay ang wikang pinag-aaralan kaysa sa pambuong grupong pagtuturo (Davidson & Worsham, 1992; Sharan &Sharan, 1992; tingnan din ang Chaudron, 1988, at Van heir, 1988, para sa malawak na pagtalakay). Ang layunin ng pagsusuring ito ay upang siyasatin ang persepsyon ng mga estudyante ukol sa paggamit ng pangkatang gawain bilang isang alternatibong pamamaraan sa pagtuturo at pagkatuto ng Filipino bilang wikang banyaga.
Dalawa ang bahagi ng pagsusuring ito. Ang unang bahagi ay rebyu ng literatura sa paggamit ng pangkatang gawain at pagsasaad ng mga katuwirang sang-ayon sa paggamit ng sistemang ito sa silid-aralan ng wika. Ang pangalawang bahagi ay ukol sa panimulang pagsusuri na nagsisiyasat sa mga ibat ibang persepsyon ng dalawang pangkat ng mag-aaral ng Filipino (ng pamantasan at kolehiyong pangmadla o community college) ukol sa paggamit ng pangkatang gawain at ang resulta nito sa kanilang pag-aaral at pagkatuto ng wika. Susubuking sagutin ng panimulang pagsusuring ito ang mga sumusunod na tanong:
(1) Ano ang persepsyon ng mga estudyante ng Panimulang Filipino (Beginning Tagalog) ukol sa karaniwang gamit ng pangkatang gawain? (2) Ano ang mga gusto at ayaw ng mga estudyante ukol sa pangkatang gawain sa kanilang pag-aaral ng panimulang Tagalog 102? (3) Ano ang persepsyon ng mga estudyante ukol sa resulta ng paggamit ng pangkatang gawain sa kanilang pagkatuto ng Filipino?
Ayon sa layunin ng pagsusuring ito, susundin natin ang pakahulugan ng pangkat ayon kay Brown (1988): "may pangkat kapag tinuturing ng dalawa o higit sa dalawa katao na sila ay magkakasapi at sila ay kinikilala ng isa pang pangkat" (inireport sa Galton at Williamson, 1992:11)
Mga Uri Ng Pangkatang Gawain--Kooperatibo, Kolaboratibo, at Interaktibo
Ang isang pangkat ay maaaring kooperatibo, kolaboratibo, o interaktibo (Oxford, 1997) depende sa layunin at pangangailangan ng gawain. Ayon kay Bennett at Dunne (1989) ang pangkatang gawain ay tinatawag na kooperatibo kapag bawat kasapi ay nagsasagawa ng magkaiba ngunit magkaayong gawain na nakatuon sa pangkalahatang layunin, at kolaboratibo kapag bawat kasapi ay tumutulong sa isang gawain na nakatuon sa pangkalahatang layunin. Ayon naman kay Oxford (1997) ang pangkatang gawain ay tinatawag na kooperatibo kapag ang mga estudyante ay sumusunod sa isang hayag na patakaran (i.e., "positive interdependence, accountability, team formation, team size, cognitive development and social development") sa pagpapatibay ng kanilang kakayahang pang-unawa at pansosyal (p. 445). Ang pangkatang gawain ay tinatawag na kolaboratibo kapag ang mga estudyante ay bumubuo ng kaalaman sa loob ng isang kapulungan sa pamamagitan ng tulong ng "ibang may higit na nalalaman." Sa ganitong paraan, sila ay nagiging bahagi ng bagong pangkat ng pagkatuto. Ang pangkatang gawain ay tinatawag na interaktibo kapag may nagaganap na usapan. Ang mga mag-aaral ay nakikipag-usap sa isat isa sa pamamagitan ng sari-saring pamamaraang "makahulugan." "Ang kahulugan ay kinakailangan sa pakikisalamuha, subalit maaari o di-maaaring kinapapalooban ito ng mga bagong kuru-kuro sa pagkatuto" (p. 444). Sa silid-aralan ng wikang pangalawa (second language) o pambanyaga, kaugnay sa pakikisalamuha ang: (a) uri ng gawaing pangwika, (b) taos-pusong pakikipag-usap ng mag-aaral sa isat isa, (c) lawak ng pamamaraan ng kanilang pag-aaral na nakaaapekto sa pakikisalamuha, at (d) pangkatang dinamiko (p. 449). Ang pangkatang gawain sa klase ng panimulang Filipino ay maaaring kooperatibo, kolaboratibo o interaktibo.
UNANG BAHAGI - REBYU NG PANITIKAN
Ang pangkatang gawain ay kinikilala bilang isa sa pinakapotensyal na pamamaraan ng pagtuturo (Holt, 1993). Dokumentado ng mga mananaliksik ng pangkatang gawain ang bisa nito, at naging pangunahing batayan ng mga sumunod na pananaliksik sa tulungan sa pag-aaral at pagkatuto ang pinakaunang pagsusuri ni Deutsch (1949) ukol sa pakikipagtulungan at pakikipagpaligsahan. Sa kaniyang pagsusuri, ipinaghambing ni Deutsch ang dalawang pangkat: (1) pangkat na negatively independent, na ang mga magkakapangkat ay nagpapaligsahan upang magtagumpay at ang tagumpay ng isa ay siya namang kabiguan ng iba at (2) pangkat na positively interdependent, na ang magkakapangkat ay nagtutulungang magtagumpay at ang tagumpay ng isa ay tagumpay ng lahat (inireport sa Galton and Williamson, 1992.) Natanto ni Deutsch nang walang pag-aalinlangan na ang magkakasama sa pangkat na nagtutulungan, sa halip na nagkakanya-kanyahan, ay higit na matagumpay sa kanilang karanasan sa pag-aaral at pagkatuto.
Ang mga mananaliksik mula sa ibat ibang dako ng daigdig ay nag-imbistiga ukol sa kaukulang bunga ng pakikipagtulungan, pakikipagpaligsahan, at pansariling pakikipag-ugnayan sa tagumpay na pang-akademiko, pansosyal at pansariling pag-unlad, at pag-aaral ng wika. Inihahayag nina Olsen at Kagan (1992) na ang pakikipagtulungan ay mas may bisa kaysa sa pakikipagpaligsahan at kanya-kanyang pag-aaral sa pagpapaunlad ng mas malaking tagumpay. Inirereport din nila na may ebidensiya na nagpapakitang bumubuti ang pansosyal na pag-unlad (Johnson at Johnson, 1986) at kaasalang makasosyal (Kagan, 1977), lumalaki ang pagpapahalaga sa sarili at pagiging magiliw sa pakikitungo sa klase at sa kanilang kapwa (Slavin, 1983a), at nababawasan ang racial stereotyping at diskriminasyon (Allport, 1954; Cohen, 1980). Pinag-aaralan din ng ibang mananaliksik sa larangan ng pagtatamo ng wikang pangalawa/pambanyaga ang mga kapakinabangan ng tulungang pag-aaral at pagkatuto. Inilalarawan ng kanilang pagsusuri ang kahalagahan ng pangkatang gawain para sa mga mag-aaral ng wikang pangalawa/pambanyaga at pinatutunayan ang mabuting bunga ng pangkatang gawain sa pag-aaral at pagkatuto ng wika at pagtatagumpay sa pag-aaral (Holt, 1993; Kessler, 1992; Deen, 1987; Pica, Young at Doughty, 1987; Gass at Varonis, 1985; Long at Porter, 1985; at McGroarty, 1995 para sa buod ng mga kapakinabangan nito).
Kung ihahambing ang tulungang pag-aaral at pagkatuto sa pampaligsahan at pansariling karanasan sa pag-aaral ng wika, matibay ang katibayan na ang una ay nagbibigay sa mga mag-aaral ng mas maraming pagkakataong marinig at maintindihan ang wikang pinag-aaralan (comprehensible input), hindi lamang mas marami kundi pati na ang mas mahirap unawaing wika mula sa kanilang kapwa. Bukod dito, mas marami rin ang pagkakataon ng mga mag-aaral na magamit ang wika (comprehensible output) sa pamamagitan ng pakikipagliwanagan. Comprehensible input, ayon sa paliwanag ni Krashen (1982), ay wika na nagtataglay ng anyong lingwistikang medyo mas nakatataas sa kasalukuyang kakayahan ng mag-aaral (i +1). Comprehensible output (Swain, 1985) ay tumutukoy sa "bagong" wika na kailangang gamitin ng mga mag-aaral (pasalita o pasulat) sa kanilang pagsusumikap na maintindihan ang wikang narinig o nabasa. Inirereport ni Oxford (1997) na ang tulungang pag-aaral at pagkatuto ay mas mabisa sa "pagpapaunlad ng pangkaloobang pagganyak at tagumpay sa gawain, paglilikha ng kakayahan sa paggamit ng pag-iisip, pagpapabuti ng palagay sa paksa, pagtatatag ng huwaran ng kapwa, pagpapatatag ng pagpapahalaga sa sarili, pagdaragdag ng panahon sa gawain, paglilikha ng pakikitungong walang-takot at malawak na pagmamalasakit sa kapwa, at pagbabawas ng pagkabalisa at masamang palagay sa iba" (p.445). Pinangatwiranan nina Long at Porter (1985) na ang pangkatang gawain ay nagpaparami ng pagkakataong magamit ang wika, nagpapaibayo ng uri ng pagsasalita ng estudyante, nakatutulong sa isahang pagtuturo, nagpapaunlad ng kapaligirang walang pangamba, at nakagaganyak sa mag-aaral. Napakaraming katibayan na ang pangkatang gawain ay nakatutulong sa mga mag-aaral at nakapagpapadali sa kanilang pagkatuto ng wika. Subalit ang mga tinig ng mga estudyante ay hindi binabanggit sa mga pagsusuring ito. Ang Pangalawang Bahagi ay naghahayag ng panimulang pagsusuri na nagsisiyasat sa mga persepsyon ng mga estudyante sa paggamit ng pangkatang gawain sa kanilang pagkatuto ng Filipino.
PANGALAWANG BAHAGI - KAPARAANAN
Ang mga Kalahok at Tagpo
Dalawa ang pangkat ng mga kalahok sa pagsusuri-- 30 estudyante ng pamantasan at 20 estudyante ng kolehiyong pangmadla, 25 ang lalaki at 25 ang babae, kasalukuyang nasa ikalawang semestre ng Panimulang Filipino. Lahat sila ay anak ng mga dayuhang Filipino, maliban sa isang Amerikanong puti at isang Amerikanong itim. Ang karaniwang edad ng lahat ng mga estudyante ay 20 taong gulang.
Ang dalawang klaseng ito ng Panimulang Filipino ay may tig-apat na kredit. Sa pamantasan, ang turo ay Lunes, Miyerkoles at Biyernes, isang oras at 20 minuto, habang sa kolehiyong pangmadla ay 50 minuto araw-araw. Bawa't klase ay nagsisimula ng balik-aral ng nakaraang aralin at kasunod dito ang pagtuturo ng balarila. Kung kinakailangan ng mga estudyante, mas malawak na pagpapaliwanag at mas marami pang halimbawa ang idinudulot sa kanila. Pagkatapos, ang mga kalahok ay nag-uumpuk-umpukan ng dalawahan, apatan, o animan. Ang laki ng pangkat ay ayon sa takdang gawain, na nagbibigay ng pagkakataong magamit ang bagong araling natutuhan. Ang pagpapangkat ay walang-pili, o dili kaya pili ng mga estudyante o ng guro. Ibat iba rin ang mga gawaing pampangkatan (gaya ng pagbubuo ng palaisipan , pagbubuo ng cartoon strip bubbles, pagtatambalan ng larawan at payo ukol sa kalusugan at mga dapat/di-dapat gawin sa unang pagtulong sa nasaktan, pagkukuwento sa pamamagitan ng larawan, paghahanap ng mga pagkakaiba ng Larawan A at Larawan B, pagbibigay ng direksyon at pagguguhit ng mapa, pagsusulat ng maikling dula-dulaan, pagbabasa ng maikling kwento at pagsagot ng mga katanungang pang-unawa, pagsasatauhan).
Pagtitipon ng Data at Pamamaraan ng Pagsusuri
Dalawang beses sa loob ng isang semestre, ang mga estudyante ay binibigyan ng mga katanungang bukas bilang pang-akay sa kanilang pagsulat ng kanilang reaksyon sa paggamit ng maliit na pangkatang gawain (tingnan ang Apendiks). Ipinaalam sa kanila na ang layunin ng takdang-araling ito ay upang malaman ang kanilang opinyon upang mapagbuti ang pagtuturo at pagkatuto ng Filipino. Dahil dito, mahalaga ang maging matapat sa pagsagot. Ang sagot ng mga estudyante ay sinuri sa pamamaraang etnograpiya upang makita kung anu-ano ang magkakatulad at magkakaiba at ang tema nila. Pagkatapos, ang mga ito ay kinategorya at isinabuod.
RESULTA AT PAGTALAKAY
Ang nakakarami sa estudyante (94%) ay sang-ayon sa paggamit ng pangkatang
gawain sa silid-aralan. Inuulit at ipinaliliwanag dito ang kani-kanilang sagot. (Dahilan sa wikang Ingles ang kanilang orihinal na sagot, ang mga ito ay isinama rin dito.)
1.1 Ang pangkatang gawain ay masaya. Ito ang puna ng karamihan. Para sa kanila, ang pangkatang gawain ay nagbibigay ng "pagkakataong makaiwas sa makalumang paglelektyur sa klase" (a chance to break away from the old lecture routine). Bukod dito, ito ay nagdaragdag "ng lasa sa pinag-aaralan" (flavor to the subject being learned) at "nagpapatibay sa paksang tinatalakay" (reinforces the subject that is being discussed). "Ako ay natututo at kasabay na naliligayahan sa pag-aaral ng wika." (I am learning and [at] the same time enjoying the language.) Mukhang ang "pagsasaya ay malaking tulong sa pagkamabisa" ng pangkatang gawain (Green, 1993, p. 8).
1.2 Ang pangkatang gawain ay isang mas madaling paraan ng pag-aaral. Inaalis
ang bigat at hirap na dulot ng pagtatrabaho nang nag-iisa. Sa pamamagitan ng tulungan, "dalawang utak o higit pa ay mas mabuti kaysa sa isa" (two or more heads are better than one), "nakapag-iisip at nagbabahaginan ng kuru-kuro at opinyon" ang mga estudyante (generate and share ideas and opinions) upang malutas ang problema. Ipinahihiwatig dito na matatagpuan sa mga pangkatang gawain ang positibong pag-asa sa isat isa (Oxford, 1997).
1.3 Ang pangkatang gawain ay nagbibigay ng maraming pagkakataong umunlad ang pakikipagkaibigan, pagtitiwala, at pananalig sa sariling kakayahan. Ang "pakikipagkaibigan" (friendship) ay isa pang dahilan kung bakit sang-ayon ang mga estudyante sa pangkatang gawain. Ang pagtatrabaho sa isang magiliw na kapaligiran ay nagbibigay bunga sa pagtitiwala, pananalig sa sariling kakayahan, at pakikiisa ng mga magkakapangkat. "Hindi ako nahihiyang magsalita dahil mga kaibigan ko sila at hindi sila ibang tao." (I am not ashamed to speak up because I am talking among friends and people I am familiar with.) "Ang lahat ay nagtatrabaho nang lubusan kapag sila ay hindi kailangang manimbang sapagkat sila ay nasa paligid ng mga taong kanilang kakilala." (Everyone works best when they can be themselves and... [be] around people they know.) Ang ebidensiyang ito ay nagpapatunay sa katuwiran nina Long at Porter (1985) na ang pangkatang gawain ay nagbibigay daan sa kapaligirang maamo at naggaganyak sa mga mag-aaral na magsikap.
1.4 Ang pangkatang gawain ay nagpapaunlad ng responsabilidad sa kapwa. Batid ng mga estudyante na ang tagumpay o kabiguan ng pangkat ay nakasalalay sa tulong ng bawat isa. "Pinagsikapan kong pag-aralang mabuti ang kabanata dahilan sa ayokong biguin ang aking pangkat sa pamamagitan ng aking pagkukulang..." (...[I] made me try to study the chapter more because I didnt want to let the group down by not doing my share...) "Ayaw mong mabigo ang iyong mga kapangkat kung kayat ikaw ay nauobligang magtrabaho. Dahilan dito, ako ay talagang nagtatrabaho." (You do not want to disappoint your group members so you are obligated to do the work. So because of group work, I am actually doing the work.) Ang responsabilidad sa mga kasamahan ang siyang naggaganyak sa kanila upang makiisa at maging masipag sa pag-aaral. Sinusuportahan nito ang paniniwala na ang pangkatang gawain ay naggaganyak sa mga mag-aaral (Long at Porter, 1985) at nagpapatindi ng inaasahan sa sarili (Kagan, 1988; inireport sa Olsen at Kagan, 1992).
1.5 Ang pangkatang gawain ay nagpapaunlad ng pagsuporta sa kapwa. "Kahit na ako ay nagkamali sa aming gawaing pagsasatauhan, sinusuportahan pa rin ako ng aking mga kasamahan...." (Although I made mistakes in our group role-playing ativities, my group members would still support me....), sabi ng isang estudyante. Bukod sa pagsuporta, ang mga estudyante ay nagtutulungan sa kanilang pag-aaral. "Sa pagtulong na matuto ang iba, natututo rin ako." (By helping others to learn the material, I also learn.) Ang ebidensiyang ito ay nagpapatunay na nakatutulong ang pangkatang gawain sa mga estudyante sa pamamagitan ng pagtuturo sa isat isa (Cohen at Kulik, 1981; inireport sa Olsen at Kagan, 1992). Paminsan-minsan kinakailangan ang malawak na paliwanag ng isang kuru-kuro. Sa paraan ng pagpapaliwanag, lalong lumilinaw sa estudyanteng tagapagpaliwanag ang pagkakaintindi nito sa nasabing kuru-kuro (Dansereau, 1985; Webb, 1985; inireport sa Olsen at Kagan, 1992).
1.6 Ang pangkatang gawain ay nagpapaunlad ng kakayahang pansosyal. Hindi lahat ay palagay sa pakikisalamuha sapagkat magkaiba ang kanilang personalidad at pamamaraan ng pag-aaral (Oxford, 1997). Mayroong nagnanais na magtrabaho nang mag-isa; mayroon namang may hilig makisalamuha. Ang uri ng ating lipunan ngayon ay nangangailangan ng mga taong marunong makipagkapwa-tao upang sa kanilang pagtutulungan ay makamit ang kanilang layunin. "Ang pagkikipagtulungan ay tunay sa totoong buhay" (Foyle at Shafto, 1995, p. 16) at sa pamamagitan ng pangkatang gawain, natututo ang mga estudyanteng makipagtulungan. "Nagiging pangkat ng manlalaro ang mga estudyante dahilan sa pangkatang gawain." (Group work makes students team players.)
1.7 Ang pangkatang gawain ay nagpapaunlad sa pagiging malikhain at nakapagpapalawak ng kaalaman. Upang makamtan ang tagumpay ng pangkat, kinakailangang maging bukas ang loob ng magkakapangkat na tanggapin ang ideya at
opinyon ng iba. Sa ganitong paraan ay kanilang mapalalawak ang sariling kaalaman. Sa pamamagitan ng pagsubok sa bago at ibat ibang opinyon, makalilikha sila ng mas mabuting pag-unawa. "Ang mga proyektong nangangailangan na malikhain ay nagagawa nang matagumpay sa pangkat. (Projects that require creativity are done best in groups."
Ipinahihiwatig ng pagsusuring etnograpiya ng mga data na ang pangkatang gawain sa loob ng silid-aralan ay sinasang-ayunan ng mga estudyante na nakatutulong sa kanilang pag-aaral at pagkatuto ng wika. Gayunpaman, limang estudyante (10%) ang may pintas sa pangkatang gawain. (Ngunit, dalawa sa kanila ay sang-ayon sa paggamit ng pangkatang gawain sa silid-aralan.) Tanging papuri ang ibinigay ng natitirang 90%.
Ang dalawang pinakareklamo o tampok na kapintasan ukol sa karaniwang gamit ng pangkatang gawain ay ang kakulangan ng pakikiisa at kakulangan ng pagmamalasakit ng mga magkakapangkat. Sa klase ng Filipino, ang apat na tampok na puna ay ang pagiging kapos sa oras, hindi malinaw na pagbibigay ng tagubilin, paiba-iba ng talaan at labis na pag-uukol ng panahong nauubos sa mga gawaing pampangkatan. "Sobra-sobrang oras ang nauubos sa pangkatang gawain samantalang mas may matututuhan tayo kung mas madalas ang paglelektyur ng guro." (We spend too much time doing group work when we learn more by having the teacher lecture more.) Ang mga punang ito ay nangangahulugan na kinakailangan ang mas mabuting paghahanda ng mga guro at estudyante. Parehong walang-bisa ang padalos-dalos na paghahanda ng pangkatang gawain at hindi maayos na pagtuturo sa isang buong pangkat ng mag-aaral (Long at Porter, 1985). Samakatwid, kinakailangang maayos ang paghahanda ng mga gawaing pampangkatan. Dapat tiyakin na ang mga tagubilin ay malinaw at ang oras na inilaan para sa mga gawain ay sapat. Ang kakayahan ng mga mag-aaral ay kailangang isaalang-alang sa pagkalkula ng oras ng mga gawain. Bukod dito, dapat laging isaisip ng mga guro na ang mga mag-aaral ay mga baguhan at ang gawain ay nasa wikang banyaga. Kailangan nila ng sapat na panahong mag-isip sa wikang pinag-aaralan. Maaring ang pagkakaroon ng tiyak na talaan ay makatutulong din sa mga mag-aaral. Kapag alam nila kung anong gawain ang nakatakda at kailan, mas madadalian sila sa kanilang pag-aaral ng wika sapagkat alam nila kung ano ang dapat nilang asahan at gawin.
Ang mga mag-aaral, lalo na ang hindi sang-ayon sa pangkatang gawain anuman ang kanilang dahilan, ay dapat may kalayaang magtrabaho nang nag-iisa kung naaayon sa pagkakataon. Subalit kung ang pakikisalamuha ay mahalaga, dapat silang maging sang-ayong makipagtulungan. Marahil, sila ay dapat bigyan ng malinaw na kautusan, alituntuning dapat sundin, at/o pagsasanay ukol sa kakayahang pansosyal (halimbawa, pakikinig nang mabuti sa sinasabi ng iba, pagbibigayan sa pag-uulat ng kaisipan, pagiging hindi mapaghatol), at pagbibigay ng pagkakataon at panahon na mapalagay ang kanilang kalooban sa bagong pamamaraan ng pag-aaral. Maaaring sila ay hindi lamang sanay sa pakikisalamuha at may kakulangan sa kakayahang pansosyal upang maging matagumpay. Kapag sila ay nasanay sa pakikipagtulungan sa iba, maaaring magbago ang kanilang pag-iisip at pagkilos.
3. Persepsyon ng mga Estudyante Ukol sa Resulta ng Pangkatang Gawain sa Pagkatuto ng Filipino
Ipinahiwatig ng mas masusing pagsusuri ng mga kasagutan ng mga estudyante na may mabuti at di-mabuting resulta ang pangkatang gawain sa pag-aaral at pagkatuto ng wika. Ang mga mabuting resulta ay nakatuon sa dalawang aspeto: (1) kung ano ang natutuhan at napakinabangan at (2) kung ano ang naggaganyak sa kanilang pagkatuto. Ayon sa mga estudyante, ang pangkatang gawain ay nagbigay sa kanila ng pagkakataong "malantad sa wika sa labas ng tahanan," (language exposure outside of home.) Dahilan dito, sila ay may mas malaking pagkakataong magsanay sa ibat ibang gamit ng wika (Long at Porter, 1985) at mas malinaw na pagkaunawa sa anyo ng wika. Ang paggamit ng wikang pinag-aaralan sa pakikisalamuha sa iba ay nakatutulong din sa kanilang pagkatuto ng wika. Dahilan sa mga dula-dulaan sa klase, napipilitan nilang gamitin nang paulit-ulit ang mga bagong salitang kanilang natutuhan at subukin ang wika. Lalo na ang mga estudyanteng mapagpatawa, sila ay "nakapag-iisip ng nakatatawang tagpo, na ginagamitan ng mas malalim na pag-iisip" (come up with the most outrageous things possible, which take extra thought), at sa ganitong paraan, "ay napipilitang ... gamitin ang bagong salita at balarila" (are forced... to use the new words and grammar). Ang pagpapatawa ay nakatutulong sa mga estudyante na "matandaan ang mga katawa-tawang pangungusap" (remember those outrageous sentences). Wari bang ang pakikisalamuhang pansosyal, kasama ng kaunting katatawanan, ay mabuting paraan sa pag-aaral ng wika.
Sa pamamagitan ng palagiang pakikisalamuhang pansosyal, naging malapit sa isat isa ang mga estudyante at kanilang natuklasan na ang pagtuturo sa isat isa ay mabisang paraan ng pag-aaral at pagkatuto. Dahilan sa pagpapaliwanag nang mabuti at paglilinaw ng kahulugan, ang pang-unawa ng mga estudyante ay umuunlad sapagkat ang mga ideya ay naihahayag nang mabuti at ang mga salita ay nauulit (Pica, Young at Doughty, 1987; inireport sa McGroarty, 1995). Kapwa nakikinabang sa karanasan ang nagsasalita at ang nakikinig. "Sa pagtulong sa iba na matutuhan ang materyales, natututo rin ako." (By helping others to learn the material, I also learn.)
Sa kabilang dako, dalawang estudyante (4%) ang nagpahayag na ang pagtuturo sa isat isa ay balakid sa kanilang pagkatuto ng wika. "Wala akong natututuhan kung kailangan kong ipaliwanag sa aking mga kapangkat ang gawain." (I personally dont learn anything if Im having to explain to other group members the activity.) "Gusto ko ang pangkatang gawain sa pagsulat ng dayalogo ngunit kapag kailangang ipaliwanag kung paano magbuo ng salita, hindi ko maintindihan ang sinasabi ng iba sa akin." (I like working in groups for dialogs but when it comes to explaining how to form words, I dont understand what people are telling me.) Nangangahulugan na dapat isaalang-alang ang personalidad at pamamaraan ng pag-aaral at pagkatuto sa pagbabalak ng pangkatang gawain (Oxford, 1997). Bukod dito, dapat hayaan ang mga estudyanteng ilahad kung sinu-sino ang nais o di-nais nilang maging kapangkat. Kapag hindi nila kasundo ang kanilang kapangkat, malamang na hindi sila magtagumpay sa kanilang pangkatang gawain. "Ayokong makisalamuha sa mga taong walang nalalaman sa klase sapagkat hindi sila makatutulong sa aking pagkatuto ng wika." (I dont like to work with individuals that are so lost in class that they are no help to me in learning the language.)
KATAPUSAN
Ang mga resulta ng pagsusuring ito ay nagpapahayag na mabuti ang bunga ng paggamit ng pangkatang gawain sa pagkatuto ng wika. Sinusuportahan ng karamihan ng mga ebidensiya ang paggamit ng pangkatang gawain sa silid-aralan. Sa kabuuan, ipinapalagay ng mga estudyante na nararapat ipagpatuloy and pangkatang gawain bilang isang bahagi ng karanasan sa pagkatuto ng wika. Ang kanilang positibong reaksyon sa pangkatang gawain ay nagpapahiwatig na ang pag-aaral ng wika sa pamamagitan ng pakikisalamuhang pansosyal at pagtukoy sa mga gawaing makahulugan tulad ng sa totoong buhay ay mabisa sa pagkatuto ng wika. Subalit may mga mag-aaral na nagnanais makita ang magkatimbang na gamit ng pangkatang gawain at lektyur sa klase. Kailangang maging bukas ang mga guro at mag-ingat sa sobrang paggamit ng pangkatang gawain sa silid-aralan. Marahil, dapat nilang subukang humingi ng regular na reaksyon mula sa mga estudyante na siyang magiging batayan sa pagsusuri ng kanilang paggamit ng mga gawaing pampangkatan. Sa ganitong paraan, malalaman nila kung anu-ano ang mabisa at di-mabisang gawain. At para naman sa mga guro na nag-aalinlangan sa paggamit ng pangkatang gawain, inaasahang ang resulta ng pagsusuring ito ay magbibigay sa kanila ng lakas ng loob upang subukan ito. Matuklasan sana nila ang mga kabutihang makakamtan ng mga estudyante sa ganitong paraan ng pag-aaral. Dapat nilang laging isaisip na ang matagumpay na paggamit ng pangkatang gawain ay nakasalalay sa masusing pagpaplano at maayos na pagsasagawa nito ng guro, gayundin ang pakikiisa at pakikisali ng mga estudyante.
KARAGDAGANG PAGSUSURI
Malakas ang ebidensiya na nakabubuti sa mga estudyante ang pangkatang gawain sa silid-aralan at nakatutulong ito sa kanilang pag-aaral ng wika. Ang pagkamabisa nito ay suportado ng mga ebidensiya ng ibat ibang pagsusuri. Subalit kailangan pa rin ang karagdagang pagsusuri upang siyasatin ang bunga ng pangkatang gawain sa "labas" ng silid-aralan. Naniniwala sina Bassano at Christison (1995) na mas madaling matututo ng wika ang mga estudyante, sa loob o labas man ng silid-aralan, kapag natanto nila ang kahalagahan nito at kapag ang kanilang pakikisalamuha ay may katuturan sa tunay na tagpong pansosyal. Sinasabi ng isang estudyante na hindi ang pangkatang gawain sa loob ng klase ang unang dahilan ng kaniyang pagkatuto ng wika. "Ang tunay na nakatulong sa aking pagkatuto ng Filipino ay hindi ang pangkatang gawain sa loob ng klase, kundi ang karanasan sa wika na nagbuhat sa labas. Mas natural kapag ginagamit sa labas ng klase ang wikang natutuhan. Natural sapagkat ang tagpo ay tunay. Hindi ka bumubuo ng pangungusap ayon sa iisang uri o kaayusan. Kinakailangan mong matutuhang gamitin ang lahat ng iyong natutuhan. Hindi ito katulad ng dayalogo na ikaw ay may mga linyang dapat basahin nang malakas--ang iyong mga sagot ay biglaan, ayon sa mga tanong o pahayag ng iyong kausap." (What has really helped me with learning Filipino is not the group work in class, but the outside exposure to the language. When you practice what youve learned outside of class its more natural. Natural in the sense that the setting is real. You arent making up sentences of a particular type and pattern. You have to learn how to apply all that youve learned. Its not like a dialog where youre given certain lines to read out--your answers are spontaneous, responding to the question or statement made by the other person you are conversing with.)
Marami sa mga estudyante ang nagsabing sila ay nagtitipon sa labas ng klase upang magtulungan sa pag-aaral kapag may pagsusulit. "Kadalasan, tinitingnan namin kung ano ang hindi pa namin alam at pagkatapos, pinag-aaralan naming muli ang buong aralin at ginagawa ang mga pagsasanay, at gumagawa rin kami ng sariling pagsasanay upang subukin ang aming pagkakaintindi." (We usually see what we dont know then we go over the whole lesson and do the exercises, plus we make up our own to practice to see if we understand.) "Gumagawa kami ng pagsasanay para sa isat isa... pagkatapos ay pumupunta kami sa harap ng pangkat, sinasagot namin ito at ipinaliliwanag kung bakit at kung paano namin sinagot ito." (We make exercises for each other...then we do it in front of the group and explain why and how we did it.) Magandang malaman kung anong uri ng gawaing pampangkatan "sa labas ng klase" ang isinasagawa ng mga estudyante upang makatulong sa kanilang pag-aaral ng wika, kung paano nakatutulong ang mga ito sa kanilang pag-aaral, at kung ano ang kaibahan ng epekto nito sa epekto ng pangkatang gawain sa loob ng klase sa kanilang pagkatuto.
PASASALAMAT
Pinasasalamatan ko ang aking dalawang kaguro, si Dr. Ruth Mabanglo, sa kaniyang tulong sa pagsalin ng abstract sa Filipino, at si Bb. Grace Mateo, sa kaniyang mahahalagang reaksyon at pagpuna sa papel na ito. Anumang pagkukulang ay aking inaakong lahat.
Mga Sanggunian
Allport, G. W. (1954). The nature of prejudice. Reading, MA: Addison-Wesley.
Bassano, S. & Christison, M. A. (1995). Community spirit: A practical guide to collaborative language learning. San Francisco, CA: Alta Book Center, Publishers.
Bennett, N. & Dunne, E. (1989). Implementing cooperative group work in classrooms. Exeter: University of Exeter School of Education.
Brown, R. (1988). Group processes: Dynamics within and between groups. Oxford: Basil Blackwell.
Chaudron, C. (1988). Second language classrooms: Research on teaching and learning. New York: Cambridge University Press.
Cohen, E. G. (1980). Design and redesign of the desegregated school: Problems of status, power, and conflict. In W. G. Stephan and J. R. Feagin (Eds.), Desegregation: Past, present, and future. New York: Plenum Press.
Cohen, P. A. & Kulik, J. A. (1981). Synthesis of research on the effects of tutoring. Research Information Service, 39, 227-229.
Dansereau, D. F. (1985). Learning strategy research. In J. Segel, S. Chipman, and R. Glaser (Eds.), Thinking and learning skills: Relating instruction to basic research, Vol. 1 (Hillsdale, NJ: Erlbaum.