Pagluluto ng Ampalaya


(Para kay Clemen)

Pumanaw ka na raw, kaibigan.
Iniwan mo kaming nagdaramdam.
Matagal kang niratay ng karamdaman,
Ipiniit ng kirot sa higaan.

Ibig kitang iyakan
Ngunit bakit ko ipagluluksa ang kalayaan?

Ibig kong ibulong ang kalungkutan
Dahil may nabuong guwang ang iyong paglisan.
Gayunman, alam kong walang dahilan
Ang lumbay
Dahil tigib na tigib
Ang pag-ibig mo't buhay.

Kaya, bayaan mo na lamang
Alalahanin kita.
Alalahanin ang huli nating pagkikita
Nang magsalo tayo ng agahan sa Bliss
Dala-dala mo ang sinangag, daing, talong at kamatis.
Nangaral ka pa, kapatid,
Nagtanong ng mga bilin,
Paano si Ephree, ang mga trabahong tatapusin,
Ang mga pangarap na pilit pang aabutin?

Kaibigan, hindi kita nakuhang sagutin,
Naabot na natin, naabot na natin.
Mahahaba ang aninong inilalatag ng takipsilim,
Sangmundong kahulugan,
Santinakpang kabuluhan!

Lumikwad ang gunita
Ng linggong dalawin mo ako sa Honolulu.
Sa pangalawang gabi ng pagtigil n'yo rito ni Juanito
Gulay na ampalaya ang niluto n'yo.
Maingat na maingat, pahilis mong hiniwa
Ang kulubot na bunga,
Tinuturol pa ang katutubong halaga
Niyong pag-aayaw, pagpapareho
Ng hugis, laki, at hiwa ng bawat rekado
Gayundin ang pagtutumbas
Ng dami at sukat.

Wari'y ampalaya ang buhay ta
Kulubot at mapait, tila kulang sa sigla.
Nguni wala sa anyo ang taglay na sustansiya
Kundi nasa timbang na pagsasama
Ng pait at asim, ng tamis at pakla.
At, naalala ko nang maggisa ka
Nagbati ng itlog, masuyong isinama
Kaya ang ulam nang mahain na
Lalong matikas, lalong maganda,

Di ba gayon ang pagkakaibigan,
May pait ng pag-iring, may rikit ng paggalang;
At dahil sa paglulutong pinakaingat-ingatan
Ang kimkim na pag-ibig, lingap at tamis
Niring nilutong ulam
Pagsintang humain sa hapag ng katuwaan.

Pumanaw ka na raw, kaibigan,
Naiwan akong sugatan.
Nakalaya ka na sa karamdaman
Kaluluwa mo'y pumailanglang.

Ngunit di ako nalulumbay
Bagkus ipagdiriwang bago mong kasarinlan
Habang tigib pa ako ng agam-agam
Sa hiram kong kalusugan.

Gugunitain ko ang huling pagluluto natin ng ampalaya,
Ang lahat ng kaakibat na eksena:
Bahay kong tinampuhan ng sigla,
Kulubot at mapait na ampalaya,
Paggigisang may pagsinta,
Buhay na masustansiya--
Ito ang mga larawan ng huli nating pagkikita.

Pikit na, Clemen, iduyan ang alaala,
Sa malamyos na awitin ng laksang pag-asa.
Mabubuhay kami sa rubdob at sigla
Ng iyong naglalagablab na pagsinta.

Oktubre 24, 2005