Pinay sa Sydney Airport

 

Ilang oras na siya roon,

Nakatanghod sa salamin.

Kandahaba ang leeg pag may dumating.

Naghahagilap ng pamilyar na mukha

Sa bunton ng mga dumarating.

Wala pa ba? Flight nila ang lumapag, di ba?

Bakit wala pa? Bakit natatagalan sila?

 

Para lang maleta at package ang tao,

Alis-dating, yao’t dito.

Siya, matiyagang naghihintay.

Pag-asang kinipkip ang dalawang taon.

Tumiwalag sa lahi’t angkang may linggatong,

Itiniwala sa Puti ang sakit ng loob,

Di na problema ang pera ngayon.

 

Mag-asawa na sila, anang babaing kasama.

May anak na. Cute, di ba? Sa’n ka hahanap

Ng ganyang anak sa ‘Pinas?

Kung tira ka ng airport, o kaya’y belyas.

Kandahaba pa rin ang leeg ng babae.

Bawat lumabas, sinisino; sa bumubukang pinto’y

Inaaninag ang ina’t anak na kinaon ng sulat.

Isa, dalawang oras na yata,

Ang pananabik niya’y di nagbawa.

Baka natatagalan sa immigration.

Ano ba ang dalawang oras sa dalawang taon.

 

Pamaya-maya’y tatlong paslit

Ang nasagasaan ng tinig.

"Betbet! Myrna! Inay!"

Kilik ng matanda ang pinakabunso,

Pasusuhin ito nang siya’y lumayo.

Hindi mag-abot sa isang yakap ang lima,

Nagsasanib ang luha ng makakita.

Kilala pa ba n’yo ‘ko, mga anak?

Ang mukha ng babae’y pigtang-pigta.

Di magkamayaw ang halik at yakap

Sa tatlong musmos na nag-aapuhap.

Samantala’y panayan ang plas ng kamera,

Nasasaling ang Puting padrasto nila.

 

Nangyari ito, ako ang saksi,

Bahaghari ang Sydney, at totoong may gusi.