|
Pilipino ako-- may hininga ng dagat, may buhok ng gubat, may balat na hinurno ng araw, may tinging pinali ng ulan. Tinukso ng mga bituing natanaw, ano’t nangibang-bayan.
Hindi madamot ang lupa-- kinupkop ako ng tuwa, buhay ko’y sumariwa. Tigib ang bungo ko ng mga gunita: daluyong na sa palay ko noo’y sumalanta, hampas ng araw na balana’y umalimura, mga pangarap na di masambit ng dila, mga kabiguang umaalimpuyo sa unawa.
Paano ako maliligaw? Larawan ang Hawaii ng nilisang bayan-- Nabibiyak ang niyog at tinitighaw ang uhaw. Nadudurog ang bato at tumatatag ang aking tahanan. Humahagkis ang alon at ako’y nakasasakay. Sumimpan ang panaginip at binhi ko’y yumabong-- dila ko’y nagsanga, gayundin ang kultura. Hinanap ko ang lupa ni Ama at supling ni Ina sa bawat babae at lalaking naging anak ko sana. Subalit pati ang mukha ko’y Di nila kilala.
Binuklat ko ang talaarawan upang kanilang matunghayan ang iwing katapangan ng bayani ng Maktan; o ang himagsik ng Katipunan, o ang pagpanaw ng mga gerilya sa panahon ng digmaan. Naaaliw lamang sila. Walang iwa wari ang pangaral sa kanilang pandamdam. Ni hindi nasasaling ng mapait na katotohanan-- hindi ito ang kanilang bayan, hindi ito ang kanilang kalinangan.
Ako’y Pilipino-- at ito ang imumulat sa aking mga anak: kailangang balikan ang ugat kahit magkasugat; kailangang kilalanin ang alamat ng kayumangging balat; kailangang ituon ang sikap at itundos ang pangarap doon sa pagkilala ng kahapon, doon sa mga gunitang naipon, doon sa mga inibig na layon.
Ako’y Pilipino-- panata kong kalagin sa pangamba ang hinlog ko’t pamilya; panata kong magtanim ng tiwala sa puso nila’t diwa; panata kong lumaya sa anumang ikahihiya-- Pilipino ako’t may aninong tiyak at malinaw; Pilipino ako’t may mga anak na kikilala ng kanilang ugat; Pilipino ako’t may kaluluwang lalaging Pilipino saanmang bayan, saanmang panahon, saanmang katawan. |
||