|
Maraming anyo ang pamamaalam Alin dito ang sa inyo, mga kaibigan
Una
Pagkulimlim ng liwanag sa mga sanga ng kawayan Hanggang makapagtago ang araw sa lilim ng buwan
Silahis niya'y kayraming nilalakbay Sinusuyod ang dagat, ang bundok sinusukat
Niyayakap na mabuti ang lawak ng siyudad Saka hinahaplos ang sanggol na umuusad
Nguni ang araw, ang liwanag, ang silahis Naglalatag ng anino, nagkakampay ng bagwis
Saka nagbabalik, lalong matiim, lalong maningning Binabago, hinuhusay, bawat bagay na datnin
Pangalawa
Paglisan ng alon sa tahanang baybayin Matapos yayain ng kalaguyong hangin
Agay-ay niya'y maaaring mabinì Parang masuyong halik o magaang na dampi
Maaaring marahas na gaya ng pangahas Idinadaluyong ang tubig paitaás, paitaás
At maaari rin namang tahimik na tahimik Ikinukubli, inililihim ang pagkawaglit
Subalit bumabalik sa nilisang pampang Nagsisisi wari sa pamamaalam
Pangatlo
Pagkaway ng araw upang magbagong-anyo Pagkalapat ng bintana at libu-libong pinto
Ang gabi'y inihuhudyat ng kanyang paghimlay Saka ang mga bituin, isa-isang binubuhay
Humahabi siya ng laksang panaginip Habang ikaw at ako'y nakahiga, nakapikit
At saka sinisindihang unti-unti Ang dito sa puso'y sinimpang lunggati
At kung sa paglimot ang diwa'y mabuyo Mawala sa landas, timbula'y maglaho
Humaharap siya sa bagong liwanag Isang bagong araw ang pag-asang aalab
Alin dito ang anyo ng inyong pag-alis Nagtatanong kaming kasukob ng layon at bihis
Malulumbay kami sa inyong paglisan Huwag sanang mamaalam nang labis, tuluyan |
||