Mesa Para sa Isa

Inuuwian niya ang pag-ibig
Tuwing gabi
Mag-isa siyang nauupo
sa nakahaing hapunan.
Nakatanghod ang relos. Alas otso. Humahalo
ang bango ng kanin sa samyo ng adobo at ensaladang pipino.
Naghihintay ding maangat ang takip ng siguro'y
sinigang o pancit molo.
Nililikom ng hapag ang iba pang hapunang ganito,
Lunes hanggang Sabado.
Nakalista na ngayon sa noo
ang iba't ibang kirot at reklamo.
Sa paligid,
walang nagbabago at di naiino:
kumukurot sa alaala ang isang mahagway
na anino, nanunukso,
Idinadawdaw ang daliri
sa ulam,
tinitikman.
Piping sinasang-ayunan ang nalasahan.
Pagkaraa'y haharap sa TV,
manonood o magbabasa.

Ugong ng humintong sasakyan.
Siya'y nagulantang.
Saklot ng kapanabikang
tumayo siya.
Nasaling ang mesa.
Nanginig ang tubig sa baso
ngunit pumanatag
unti-unti
sa panunumbalik ng katahimikan.
Pawala na ang usok ng kanin. Naupo siya,
kinuha ang tinidor at kutsara.