Liham ni Pinay mula sa Singapore

 

Sugatan ang ngiti ko nang lisanin kayo

Malagim ang kahapon at malabo ang bukas

Ngunit kailangang ipakipagsapalaran

Kahit ang mga payak ninyong halik at yakap.

Malinaw na malinaw sa pananda

Ang paglalim ng pileges sa noo ni Ama,

Ang namintanang luha sa mata ni Ina,

Ikinubli lamang ng mga pisil sa palad

At niligis ng wala-nang-bangong bulaklak.

Bumubuntot ang mga bilin at tawag

Sa papalayong hakbang ng panganay na anak.

 

Umalis akong may dawag ng takot

Hatid ng dalita’t walang pangalang pagod.

Lumulusot ang kirot sa nakabihis na tapang

Ngunit kailangang makawala sa gapos ng utang.

 

Umalis akong may udyok ng pangarap

Makauwi sa galak, maahon sa hirap,

Bugnot na palibhasa sa galunggong at kanin

At palad na meryendang kamote’t saging.

Pangarap ko ring maging maybahay

Ng isang ginoong guwapo’t ginagalang,

Maligo sa pabango kung Sabado’t Linggo

At mamasyal sa parke nang walang agam-agam.

 

Lumipad nga ako’t dito nasadlak,

Nagsusulsi ngayon ng sunog na pakpak.

Sa among banyaga pagkatao’y itinakwil

Ipinahamig na ganap sa madlang hilahil.

Nakaniig ko rin ang tunay na hirap

Sa isang gusaling may dalawampung palapag.

Utusan, yaya, kusinera’t labandera

Sakop kong trabaho’y lahat-lahat na.

Labing-anim na oras na walang tawad

Ang kayod ko rito sa maghapong singkad.

Kaninong mata ang di mababasag?

Kaninong dila ang di magliliyab?

Mabuti nga’t may nalabing panahon sa pagtulog

Sa altar ng pangarap, may maidudulog.

 

Mabuti na ito, kayo rin ang may sabi,

Magpaalila man ako’y may maisusubi.

 

Inilalakip ko rito ang kaunting halaga,

Pag-initin agad sa pagas na bulsa.

Kalimutan muna ang nasang sinimpan

Pag-asuhing madali ang palayok at kalan.

Samantala’y ipagdasal nang taos at taimtim,

Matagalan ko ang hirap at saklot nang panimdim;

Tumibay akong kasabay ng siyudad

Bago mamanhid ang isip at puso’y tumigas.