Liham ni Pinay mula sa Kuwait

 

 Ilang buwan na lamang, ilang buwan,

Isang bantayog ang mahuhugot sa aking pagitan.

Isang sanggol na babae o lalaki,

Piping kumikibot ang labi

Habang umaamot ng hangin sa disyertong paligid

O sumisimsim sa tuyot kong dibdib.

 

Banyaga siyang luluwal

Sa banyagang batas at banyagang lugar,

Kakambal ng luha,

Kakambal ng sumpa.

 

Tulad ni Edipo’y ibig kong dukutin ang mata.

Tulad ni Hudas, pugtuin ang hininga.

Siya ang kasalanan kong natupad,

Takasan ang pagdarahop na walang katulad.

 

Tapos na ang parusa,

Ang sumbat at kahihiya’y angkin ko na.

Hindi na ako masasaktan nang higit pa.

Tuyo na ang dugong pinagmithian nila.

 

Ilang buwan pa lamang, ilang buwan,

Itinapak ko ang pangarap, sa disyertong daan.

Isdang umahon sa katihan,

Saranggolang umalagwa nang umilanglang.

 

Ako ba’y masisisi?

Hinangad kong pagkakatao’y mabusisi

Tulad ng ritwal sa batya’t kawali.

Inako kay Inang ang dingding na butas,

Ipinangako sa kapatid ang maningning na bukas.

 

Ilang buwan pa lamang, ilang buwan,

Nang susian ng Arabo ang aking pagitan.

Ang silid ko’y isang puting nitso,

Kalansay akong walang buto.

Naglambitin ang puso ko sa mga baging ng takot,

Ang mukha ni Franklin sa dolyar, nalagot.

Ilang buwan pa lamang, ilang buwan,

Sinagunson ng Arabo ang kinabukasan.

 

Ngayo’y kagampan akong itinatatwa

Ng banyagang batas sa banyagang lupa.

‘Masamang babae’ ang aking tato,

walang asawa’y magkakabunso.

Nakaawang ang pinto ng piitan,

Sino ang sasagip ng aking pangalan?

 

Ilang buwan na lamang, ilang buwan,

Bubukad na bulaklak ang aking pagitan.

Isang sanggol na lalaki o babae

Ang piping susumpa ng paghihiganti.

Isip at puso niya’y magiging banyaga

Pagkat sisilang siyang walang dila’t tainga.