Liham ni Pinay mula sa Japan


Kaya kong awitin ang ballad at blues

Sa karaoke ni Aling Luz;

Iniindak ko ang pap at strut

Sa disco at banyo nang lilis ang manggas.

Kaya naman noon sa dibdib sumimpan,

Huhugutin ko sa hilig ang pagkakakitaan.

 

Nag-umpisa ako sa Eat Bulaga,

Kulang pang pantaksi ang premyong nataga.

Tawag ng Tanghala’y sinalihan ko rin

Pala kong lahat ang mga kapitbahay namin.

Naghinawa sa akin ang mga pila at kanto,

Ang kahihiyan ko’y sagad hanggang buto.

 

Sapagkat marupok sa tawag ng dagitab,

Pag-aasam ko’y di mapanatag.

Kusang umiimbay ang balakang ko’t dibdib

Sa tuwing iilanglang ang pamilyar na himig.

Pinagtatawanan ako ng Inay at Itay,

Ang kalaguyong pangarap ibig nang mamatay.

 

Bulaklak ng muning ako’y maging bantog

Sa sining ng awit at sayaw na maalindog;

Palayok sa bahaghari’y ibig kong maabot,

Nagdarasal ako hanggang unang tilaok.

Magagawa ba ito nang walang gagambalain?

Anak man ng presidente’y nagmomolestiya rin.

 

Salamat, salamat, may ateng nanalig,

Pinamuhunanan ang sayaw ko’t awit.

Umaga’t hapon ako’y nagpraktis.

Nang pumasa agad sa unang kaliskis.

Lalampas ang byuti ko sa lahat ng rotunda

Paglapag na paglapag sa bayan ng Yakuza.

 

Kumusta, kumusta, kumusta.

Alam na alam kong kayo’y nagtataka.

Sa balita’t sulat ako’y nagdamot

Gayong di naman tamad at di marupok.

Ang krisantemo pala’y sadyang mapagkait,

Matutuyot ka sa tinig ma’t panaginip.

 

Ate, dasal kong huwag kang magalit,

Ipukol ang poot sa bundok at langit.

Hindi kumakanta o sumasayaw ang kapatid

sa naytklab at disco ng sakang na singkit.

Ang totoo, ang totoo, mangungumpisal ako,

Parang isang geisha ang papel ko rito.

Anong inam sana kung totoong geisha,

Maritmo ang paglipad na tulad ng maya.

Ngunit ako’y isang kalapating-siyudad,

Umuupo sa bote nang hubo at hubad.

Ate, nagdidildil ako ng luha’t tamod,

Di naman makapalag, kay bagsik ng tanod.

 

Sino’ng sisisihin sa kapalarang sinapit?

Gamu-gamo akong sa apoy lumigid.

May mga lalaking sa laman ay ganid,

Kayhahaba ng kukong kung bumaon ay lintik;

At dahil may babaing tahimik magtiis

Lumalaganap ang ganitong krisis.

 

Manhik ko’y huwag na itong ipagmakaingay,

Ano na lang ang sasabihin ng mga kapitbahay--

Sasalida rin la’y bakit pa dumayo

Bukas naman ang Mabini kahit may bagyo.

Natutulog akong unan ang naiipong yen,

Babalik akong mayabang kung pababalikin.