Liham ni Pinay mula sa Hongkong


Sa lunting pangarap nagmula ang lahat,

Binaligtad ang bulsa’t nilikom ang danas.

 

Sa nagtangkarang gusali’t karatula’y sumilong,

Itlog ng tagak ang ibig matunton.

 

Amo kong Intsik kunwa’y mabait,

Ginagahasa ako kung gabing tahimik--

 

Pagkat ang ipinangako’y ceramics at jade,

Inialay ko ang takot sa altar ng AIDS.

 

Nalaman ko ngayong hindi siya tapat,

Kahit dibdib nami’y madalas maglapat.

 

Makapal pa sa buhok ang duming nakalugay,

Ang garing na isip ay hindi tiwasay.

 

Kulang pa sa sukat ng balakang

Ang isinusulit kong pagdaramdam-- ako’y pakinggan:

 

Nagmamadali kasi ako sa pagyaman,

Buntis ako ngayon, walang matuluyan.