Liham ni Pinay mula sa Brunei


Ako’y guro, asawa at ina.

Isang babae--pupol ng pabango, pulbos at seda,

Kaulayaw ng batya, kaldero at kama.

Napagod yata ako’t nanghinawa,

Nagsikap mangibang-lupa.

 

Iyo’t iyon din ang lalaking umuupo sa kabisera,

Nagbabasa ng diyaryo uma-umaga.

Naghihintay siya ng kape

At naninigarilyo,

Habang kagkag ako sa pagitan ng kuna at libro,

Nagpapahid ng lipstick at nagpapatulo ng gripo.

Hindi siya nag-aangat ng mukha

Umaaso man ang kawali o umiingit ang bata.

Hinahatdan ko siya ng brief at tuwalya sa banyo,

Inaaliw kung mainit ang ulo.

Wala siyang paliwanag

Kung bakit hindi siya umuwi magdamag,

Ngunit kunot na kunot ang kanyang noo

Kapag umaalis ako ng Linggo.

Ayaw niya ng galunggong at saluyot

Kahit pipis ang sobreng inabot,

Ibig pa yatang maghimala ako ng ulam

Kahit ang pangrenta’y laging kulang.

 

Ako’y guro, asawa at ina.

Isang babae-- napapagal sa pagiging babae.

Itinakda ng kabahaging

Masumpa sa walis, labada’t oyayi

Kahit may propesyo’t kumikita ng salapi.

Iyo’t iyon din ang ruta ng araw-araw--

Kabagutang nakalatag sa kahabaan

Ng bahay at paaralan,

Ng kusina’t higaan.

 

May karapatan ba akong magmukmok?

Saan ako tatakbo kung ako’y malungkot?

May beerhouse at massage parlor na tambayan

Ang kabiyak kong nag-aasam,

Nasa bintana ako’t maghihintay.

Nagbabaga ang katawan ko sa paghahanap,

May krus ang dila ko’t di makapangusap.

Humihingi ng tinapay ang mga anak ko,

Itinotodo ko ang bolyum ng radyo.

Napagod yata ako’t nanghinawa,

Nagsikap mangibang-lupa.

 

Noon ako nanaginip na nakapantalon,

Nagpapadala ng dolyar at pasalubong.

Nakakahinga na ako ngayon nang maluwag,

Walang susi ang bibig, ang isip ay bukas.

Aaminin kong ako’y nangungulila

Ngunit sariling kape ko na ang tinitimpla.

Nag-aabang ako ng sulat sa tarangkaha’t pinto,

Sa telepono’y nabubusog ang puso.

Umiiyak ako noong una,

Nagagamot pala ang lahat sa pagbabasa.

 

Ito lamang ang sagot,

Bayaang lalaki ang maglaba ng kumot.