Liham ni Pinay mula sa Australia

 
"Huwag itangis ang anumang nawala’t nawawala..."

--Rio Alma

 

 
Hindi ako pangit. Katunaya’y maganda.

Isinasauli ng salami’y larawang kasiya-siya.

Wala akong kapansanan,

Walang kakulangan--

May asawa akong mauuwian.

 

Ibinalik ng nars ang damit ko’t pangalan,

Huwag daw mag-alala,

Nangyayarin ito kadalasan.

Ang damit na iyo’y sa babaing mataba,

Hindi na matandaan pagka’t luma’t sira.

Iniabot din sa akin ang suklay at sepilyo,

Makalalabas na ako sa silid na ito.

 

Ako’y hugkag.

Isang sugat na lalabas ng ospital.

Isang sugat na pinababayaan nang magnaknak.

Walang pangala’t lumipas na maglalakad.

 

Nilingap ko ang puting silid,

Walang panganib, walang panganib--

Liyab ng panglaw ang buong paligid,

Iwan na rito ang pagod na isip.

 

Huwag daw mag-alala,

Nangyayari ito sa buhay man ng iba.

Narito ang lipstick, pahiran ng ngiti

Ang huklubang labi.

 

Isa, dalawa, tatlong araw--

Gaano na ba katagal?

Pinagbakasyon ba ako sa trabaho?

Ang naghatid sa aki’y sino?

Hindi ko maaninag ang nakaraan

Kahit sa maletang binuksan.

 

Binigyan nila ako ng bagong kaakuhan--

Huwag nang hanapin ang pagot na hibla.

Walang nangyari, walang nangyari,

Isipin mong pisak ang mata.

Ilalagay mo na sa daliri ang dila,

Ang muni’y sa paang gagala--

Iba na ang babaing dudungawin sa bintana.

 

May asawa akong mauuwian,

Tinitiyak ako ng anyong iiwan.

Mahal ka niya’t tatanggapin

Kahit nadungisan ang bait na angkin.

 

Bumabangon sa gunita:

Anino ng lupit at balasik,

Kamay na tanso’t pusong kaylamig--

Balat ko’y pasa-pasa,

Napaslang ang tulog ko’t di na pumayapa.

Hindi ako ‘yon. Hindi akin ‘yon.

Huwag nang tuntunin ang tumakas na kahapon.

 

Ibinalabal ko ang pag-asa.

Tinanggal nang isa-isa ang aking mga benda.