Istorya ni Manang Berta


Kilala sa Corcuerra si Manang Berta:

Labandera, plantsadora, kaminera, yaya, utusan,

Anupa't singko ng daan.

May kubakob siya sa ibayo,

Sa ibabaw ng natuyong estero.

Maniwala ka't hindi

Siya lang ang kasya rito--

Kaunting bubong, ilang tablang iniangat sa lupa

Upang mahigan,

Pinagsalikop na karton at yerong dingding ng apat na tabi,

Para siyang nagbabahay-bahayan.

Para siyang nakahimlay sa kabaong na giray.

 

Kung bakit ayaw niya kasing mamasukan.

Inaalok siya ng kalubsino,

Iyong walang katulong, iyong naaawa.

Gusto raw niya ay uwian.

Iba na raw ang malaya.

Tama lang ang konting kita,

Masaya naman siya sa pag-iisa.

 

Apo niya ang bawat bata.

May sagot siya sa bawat usisa.

Tungkol lamang sa sariling buhay

May tahi ang bibig ni Manang Berta.

 

Tinuturuan niya kami

Ng bugtong at alamat,

Musmos na mata'y namumulagat.

Telebisyon ng Corcuerra, komiks pa,

Sumasanib sa paglaki ang kanyang pamana.

May lamukot ang tanawin sa natuyong estero,

Tuwing hapong ang matanda'y nagkukuwento.

Isang larawang walang kuwadro,

Kasingtiim ng aking anino.

 

Patay na ngayon si Manang Berta,

Nakagigimbal na pagpanaw

Di bagay sa timyas ng alaala.

 

Isang gabing panaho'y masungit

At ang buong Corcuerra'y nasa laot ng panaginip,

Naalimpungatang estero'y galit na galit.

Niliglig ang bayan sa ragasa ng tubig.

Unang inanod ang payak na kubakob

Saka isinalyang walang taros

Hanggang mapasalpok at madurog.

Si Manang Berta, si Manang Berta,

Walang nakagunita noong kay Manang Berta,

Kanya-kanya ang ligtasan sa ganitong sakuna.

 

Napapahiya kami sa mga bagong bata

Kailanma't ngalan niya'y madulas sa dila.