HUWAG NAMAN


(apela ng mga Pilipino kay Tiyo Samuel)


dinala mo kami rito
mil nuwebe siyentos sais
para maging sakada
dyes sentimos 'sang araw


OKEY LANG

sapagkat kumakalam ang sikmura
at kahirapa'y umaalimura
mabuti nang mangibang-bansa
baka buhay pa'y sumagana

OKEY LANG

kwalipikasyon ng mga rekrut
"no read. nowrite"
walang asawa, walang pamilya
kaya dumating kaming bingi, bulag,
pipi, walang utak!

OKEY LANG, DI BA?

balat kayumanggi'y nasunog nang husto
sa paggapas ng tubo,
pagbungkal ng lupa, paglikom ng bagaso
pinatigas pati puso nang di na sumubo
kahit laging tinatadtad ng insulto:
bukbok, fresh off the boat, dogeaters
copycats, trying hard
tanga, timang
manong, manang

OKEY LANG, OKEY LANG, OKEY LANG!

nguni natututo naman kami,
nagtayo ng mga unyon
nag-aral nang pagano'n-gano'n
namulat, bumalikwas, nag-aklas,
kaya kinulong kami, dineport, at minsan pa ngang
tinadtad ng bala
(naaalala ba ninyo ang masaker sa Hanapepe?)

OKEY LANG

natutuhan naming makisama
at sumama sa agos ng umano'y pag-unlad
kami ang mga taga-isis ng inyong mga kubeta,
tagalinis ng shit sa kama,
tagaluto, tagasilbi, tagahugas ng pinggan
sa Waikiki, Kauai, Maui
kaminero, mutsatso, hardinero
tindero, tagakumpuni, tagabuhat
tatlo-tatlong trabaho sa isang suweldo
ng mga edukadong
sa ami'y tumatawag na bobo


OKEY LANG

kasi nakukuha pa naming mangarap
para sa aming mga anak,
nakatutulong kami sa mga kababayang
hirap na hirap doon sa Pilipinas
at may siguradong tatlong beses kami isang araw,
mauuwiang tahanan at mga kaluluwang minamahal

SALAMAT, OKEY LANG

ngayong naitataas na namin ang aming noo,
ngayong nahaharap na namin ang Bukas,
ngayong napag-aaral na namin ang aming mga anak
maaabot na nila ang aming mga pangarap
may balakid kang inilalatag

HUWAG NAMAN

nais nilang makilala ngayon ang pagkatao-
saan sila nanggaling, saan tutungo
ibig nilang mahugis sa dila
ang salita ng kanilang diwa
ibig nilang mabigkas ang wika ng kanilang ninuno
ngunit bakit
pinipilas mo ang pangako
pagkakatao'y itinatago?

HUWAG NAMAN


huwag mo namang piringan ang aming mga mata
nais pa naming makita ang katotohanang itinatago ng kaunlaran
huwag mo namang takpan ang aming mga tainga
nais pa naming marinig ang musika ng tahimik
huwag mo namang putulin ang aming mga kamay
nais pa naming isulat ang aming kasaysayan
at
huwag mo namang pilasin ang aming dila,
nais pa naming mabigkas, ay, masabi
Mabuhay, Mabuhay, Mabuhay!

kaya please...
pakiusap,
HUWAG NAMAN
HUWAG NAMAN
HUWAG NAMAN