Huling Araw Ng Nobyembre,

Unang Linggo Ng Adviento

(Alaala ng Isang Kudeta)



Huling araw ng Nobyembre:

Nakabalabal sa gunita ang Pugadlawin,

Sariwang pumpon ang talumpati

Sa bantayog at pahina ng lunggati.

 

Unang linggo ng Adviento:

Kagat ng halumigmig ang hangin

At nasa eskaparate ang mga bituin.

 

Huling araw ng Nobyembre,

Unang linggo ng Adviento,

Kinalas ng angil, yabag at punglo

Sa katalik na dilim

Ang umagang nunungo.

 

Ay, ang naalimpungatang liwanag,

Personal at impersonal sa ningning

At alingawngaw.

Gulilat na gumagapang, tulirong nagtanong--

Lumiliyag sa takot, nag-aapuhap sa iyak.

 

Huling araw ng Nobyembre,

Unang linggo ng Adviento,

Nagsuwail ang mga sundalo:

Pumunit sa ulap ang bakal na pakpak,

Inugoy ang Edsa ng tangke at trak,

Gumiting gunita'y niligis ng tapak.

 

Huling araw ng Nobyembre,

Unang linggo ng Adviento:

Lumantad sa bayan ang libong motibo.

 

Ay, personal at impersonal

Ang motibong lumiyad,

Tumigas ang utong, nangurong ang bayag

Sa dugo at daing na doo'y dumapurak.

(Ay, liyo ang ang dila, umid ang isip

Nakaamba sa sabsaban ang Golgotang lupit.)

 

Huling araw ng Nobyembre,

Unang linggo ng Adviento--

May eklipse ang balita

At baya'y nag-uusisa.