|
Bayan Ng Lunggati, Bayan Ng Pighati* (mula sa iba’t ibang talaarawan)
*Lahat ng italisadong saknong sa mga tulang ito ay buhat sa "Mga Minamahal Kong Kababayan (Ang Pahimakas ni Lorna Laraquel, Migrante)" ni Lilia Quindoza Santiago, nalathala sa aklat na Mga Hibla ng Pangarap ng Kanlungan Center Foundation, Inc., Quezon City, 1994.
1 Lunggati | 2 Papel | 3 Dugo | 4 Apoy | 5 Pighati Huwag malungkot, mga mahal kong supling Kahit hindi na ninyo ako makapiling Baka naman bukas ako'y palarin pa rin unti-unti umusad ang eroplano dahan-dahan muna katunog ng aming mga kaba
medyo lumiko saka sumibad parang saranggolang itinakbo sa malayo ng isang kaalyado binitawan pagkaraan kaya humaginit paitaas
may ilang pumalakpak may ilang pumaswit ang iba nagkasya sa pagtanaw sa maliit, biluhabang bintana hindi naman madungaw
sa silong ng mga mata kalawanging bubungan maiitim na estero di makilalang dagat isang dipang lupa
sa likuran sa nakaraan luhang natapakan kirot na nais kalimutan kasawian
parang buntot ng saranggola ang mga pangarap namin sumasayaw-sayaw sa hangin pataas pataas
kaming mga migrante sanay sa sidecar bus dyipni at karag-karag na barko susukot-sukot naninibago tila iba ang eroplano nakatali ka na nakatali ka pa sa pupuntahan
kami lukot na lukot ang noo nagpapakiramdaman sa isip nagbibilang ng utang puhunan nagbibilang ng sisiw wala pa ang tinaling sa inahi’y gigiliw
inukit namin ang pangalan at pinanggalingan sa maleta, bag, polder kahit na sobreng kakikilanlan ng tao't pagkatao
inukit namin sa isip ang hangad (sana’y magapas) ang siphayo (sana’y malimot) dinadasal bumalik nawa bumalik nawa ang lantay na tuwa ng kamusmusan
sasalok si Gaspar ng tubig sa Saudi maglilingkod si Lydia sa isang sheik magiging yaya sa Singapore si Delia bartender naman sa Hongkong si Tina magiging entertainer daw sa Japan si Olivia mekaniko si Juan sa Lebanon iyong dalawa magtuturo daw sa Saipan natanggap na desk clerk si Casey sa Marianas samantalang tsimay ang karamihan (na para disimulado d.h. turingan) sa Iran, Malaysia, Taiwan o iba pang bansang ma/y yaman ibukod pa ang mga Pilipinang mag-aasawa/magpapaasawa kung kani-kaninong dayuhan
kailangan naming kumalat sa daigdig upang maabot-tanaw ang langit pangalanan ang lupang sa suwelas ng sapatos nakadikit maanggihan ng liwanag sa kakaunting buhay nagsisiksik
bibitawan namin ang rosaryo sa Gitnang Silangan ibabagay ang tainga sa dila ng iba bagong awitin ang hihimigin mata'y itutuon sa bagong tanawin
isasanib ang kayumanggi sa puti sa dilaw sa itim sa pula hanggang ang kayumanggi'y mabura
Huwag malungkot, mga mahal kong supling Kahit hindi na ninyo ako makapiling Baka naman bukas ako'y palarin pa rin
Sa ibayong lupaing itong lahat Ng galawin ay banyaga, Kanino magtatapat, Magsusuplong o magsusumamo? Anong wika ang gagamitin Sa pagdaing ng sinapit at sasapitin? lumakad ako sa basbas ng papel
papel ang nagsasabi ng ngalan ko papel ang nagpapatunay ng Pagkatao papel ang katunayan ng binyag ng eskuwela ng kasal ng paglisan katakut-takot na papel hanggang kamatayan
akala ko dala ko na ang lahat sa pasaporte naroon ang retrato (ako iyon) naroon ang tirahan (totoo iyon) naroon ang pirma (tapos ako ng hayskul) sigurado rin ako sa visa (naisanla ko na yata pati magiging apo sa halaga nitong libu-libo)
panatag ako sa paglisan kahit bangkay ko magkakapangalan
ngunit hindi pala ako ako napatunayan ko ito puwede palang sigurado ka kung sino ka pero di mo mapatutunayan sakaling pagdudahan
lumakad ako sa basbas ng papel ipinagkanulo ako ng aking papel
sa Frankfurt binusisi ang passport huwad hindi ako ako sabi ng kung sino sabi ng mga tao sa wikang di ko maantilo
sumablay ang Ingles ko sumablay ang katwiran sumablay pati buhay
isinakay ako sa isang trak isinakay ako sa isang madilim na trak isinakay ako sa isang karanasan banyaga kahit sa pandamdam
walang kadala-dala walang kapali-paliwanag walang katingin-tingin ni hindi ko naitanong ang demanda ang sentensiya
una tinatawag kong lahat ang santo hanggang maubusan ng kakilala hanggang mapudpod ang dila sa litanya saka ako nagalit tumiim ang paniwala ganoon na sa bayang iniwan ganoon din pala sa daratnan
nagsanib ang gutom pangamba pangungulila pagod at antok pero pati pag-idlip nakakatakot baka di na ko gumising pag mata’y sumara baka kamalayan mabura
(kahit sisinghap-singhap kapit-tuko pa rin sa buhay)
umiyak ako nang umiyak sa takot sa lungkot sa awa sa sarili hanggang di na makaiyak bandang huli hindi na ako makaiyak minura na lang ahensiya pulis dayuhan gobyerno pati santo sa palad na napagsapit ng aking pangalan ninakaw yata nilustay yata ipinagbili yata
huminto ang trak sabi ng tsuper puwede nang bumaba ang bilin pumasok sa gusaling matatanaw salamat puwede nang ibunton ang pinigil na paghinga
maraming babae roon (nakapagtataka) pero hindi na bale basta bukod sa akin may ibang kaluluwa
sigawan sila pagkakita sa akin (parang nakakita ng liwanag matapos mabuyo sa dilim nang pagkatagal-tagal)
ako di man makasigaw nilapitan Pinay Bombay Thai Sri Lankan
tinanong ano ang pangalan mo tagasaan ka
lumakad ako sa basbas ng papel di pala lahat kaya ng papel
Dugo ang kasabay ng pagkamulat at pagluluwal Duguan tayong naglalakbay sa mga buwan at panahon Binabagta s ang mababalasik na pagkakataon.
unang binyag ng paglisan ang dugong umagas sa aking pagitan
banyagang bayan banyagang kalinangan
lahat kailangang pag-aralan (sa palikuran basahing grapiti ang mga lihim at liham krimeng nakakubli sa mga tagong lunan pintong magbubukas ng sugat/sugatan)
buhat-buhat ko ang katawan palibot sa mundo luwad na may katamtamang bigat luwad na nagsisimpan ng kahapon at bukas
at ngayon
sindilim ng mukha ni Inang pinagpaalaman ang islang hinantungan dito kami babasalin dito raw papalihin bago dalhin sa mga putahan sa Copenhagen Paris Italya Gresya Alemanya Waikiki maging sa mga isla ng dagat-Pasipiko
sindilim ng kamatayan ang oras ngunit simpula ng dugong umaagas ang liyab ng pangungulila
binigyan ako ng bagong pangalan binigyan ako ng bagong kariktan ito ang templo ng mga pangarap ko maikakalasag kaya ng kaluluwa
nakatundos ang mga paa sa dayuhang lupa nilalasap ng dila ang lumipas ngunit isinusumpa ang dugong idinidilig sa pangarap sa mababalasik na pagkakataon
. . . Marami naman akong maiiwan: Mga anak na tutulala sa kinabukasan Isang mag-anak na binistay ng kapalaran
ano ang pangalan mo bakit narito ka kailan ka pa rito
tagaluto ako mahirap ilarawan ang kulay ng apoy hindi mapapantig ng dila ang iyak na nasa aking mata
sapat na sigurong sabihin sa katawan ko umaaso asin luha dugo laway tamod opyo
nangarap lang ako tumakas dahil ipinataw nila sa aking balikat sa balikat ng aking mga anak ang inubos lakas oras ng maraming tao/taon
hindi lamang manok tupa baka ang idinadarang kahit laman at pag-asa
gusto nila masalab walang wakas walang wakas nakaririmarim na paghihirap
gabi-gabi ari'y nilulusaw sa kape isinasawsaw parang pandesal
gabi-gabi ako'y binabalatan balbas at buhok itinitirintas sa pandamdam tumatakas apoy ng kaluluwa
nag-ipon ako ng kaunting tatag nagpaampon sa kaunting liwanag kay amo ng apoy kay amo ng apoy sa buong magdamag tinapos agad ang lahat kong hirap
ano ang pangalan mo bakit narito ka kailan ka pa rito
. . . Marami naman akong maiiwan: Mga anak na tutulala sa kinabukasan Isang mag-anak na binistay ng kapalaran
Sakali mang makaahon, kahit kapiraso ng bungo, Ihahagkis ko sa inyo, "mga minamahal kong kababayan," Na wala, walang buhay na maalwan.
Wala, kailanma'y walang buhay na maalwan Kung walang mapagpalang lupang tinubuan.
muli umusad ang sasakyan sa paliparan sumibad pakalawakan mabilis mabilis simbilis ng iglap agad nagkahon sa aking labi
tinawid ko ang dagat ulap gubat lupa-lupain at pulu-pulong hirap
saan ko mahahanap ang aking sugat paano ko masasalat ang pangarap
mga anak kaanak kaibigan nakabaybay sa langit ang inyong pangalan isinulat iyon ng aking mga layon inaruga't dinilig ng pagsisikap tinighaw ko ang alimpuyo ng alab nang makaibayo tayo sa paghihirap
mainam lumaban
mas marangal mas marangal lalo't nanggagaling sa giti ng pawis ang kakanin mas marangal mas marangal kaysa itatwa ang aral ng Maykapal mas marangal mas marangal
alin ang una sa mito ng sisihan parusa ba o gantimpagal
huwad ba ang pangalan mulang paglisan o huwad ang lupang pinagsimpan
alin ang mas dakila magsamantala mapagsamantalahan mauna maunahan maging malamya o maging malaswa ibilad hanggang mamanhid ang katawan at tatag sa kaunting dinar sa kaunting riyal sa kaunting dolyar o huwag inuhin ang gutom hanggang bituka’y manguluntoy at manikit sa buto ang balat
huwag malungkot, kabayan, di gaya ko pighati'y may pangalan lumbay ay may kakikilanlan may lasa ang kabiguan
wala man akong kabaong huhukay sa lupang nilisan may lapida ako sa mga pahayagan ililibing ako ng mga supling sa mga gunita nila't damdamin huwag malungkot, kabayan, bayaang ang buhay kong nalapastangan maging pataba ng paglisan ng iyong paglisan dahil dito sa ating bayan walang buhay na maalwan |
||