|
Balada Ni Lola Amonita
Binigyang-inspirasyon ang akdang ito ng kuwento ng isang "Comfort Woman" na nagsalita sa isang porum sa Hawai’i isang araw ng Setyembre, 1992. Kabilang siya sa mga kabataang babaeng dinukot ng mga Hapon sa kanyang bayan at sapilitang ginawang parausan noong ika-2 Digmaang Pandaigdig. Sa tula, siya ang nagsasalita.
Pinunit ng liyab at dagundong ng pulbura Ang dilim. Dumating sila. Mga lalaking sombreruhan, Marurusing, May natatanging lansa ang pawis, Singkit, Sunog sa araw, tulad ng kanilang anino, Tiyak ang malalaking hakbang, Tukoy ang pakay.
Iniluluwa sila ng mga parang at gubat, Umiibis, kung minsan, sa mga trak, Nilalason ang hangin ng kanilang hininga, Nilalabusaw ang kapayapaan Sa mababalasik na mura.
Kami, Pupungas-pungas, Inagaw sa tulog ng aming ama't ina:" Dali, dali, pinabababa tayo, Luminya raw tayo sa tabing-bakod! "Natatakot ako, Inay!" "Nandito kami, anak, Hindi ka namin pababayaan!" Manhid at liyo pa mandin sa antok, Sa malamig na lupa'y Itinapak ang paa. Humagip sa pandinig Ang iyakan-ingitan ng laksang bata. Sumigaw ang kapitan, Hindi ko naintindihan. Hindi ko maalala hanggang ngayon Ang mura-- Sumugat sa hangin, Tumarak sa tainga, Tumimo sa kaluluwa.
Sinino kami ng mga lalaki, Isa-isa. Gumapang sa gulugod ang kilabot Nang ihaplos niya ang daliri Sa aking pisngi.
Iyon ang kamay Na dumakma ng manok sa silong, Lipaking kamay, Lalaking upaw, Maitim ang balintataw. Parang lahong lumalamon ng bata Sa kuwento ng matatanda. Kapre siguro, wala lang tabako. Malinaw pa sa alaala ko ang kuwento.
Kaahon ko lang kasi sa pagiging musmos. Kailan lang nagsimulan umagas ang pagkakagulang. Gusto ko pang magluksong-tinik Kahit kinagagalitan. Hindi ko pa maunawaan kung bakit sinasabi nila ‘Dalaga ka na’. At nagagalit si Lola 'pag bumubungisngis ako. Pinagtitikom din niya ang mga hita ko Tuwing uupong nakabukaka. "Dalaga ka na". Paulit-ulit, parang litanya.
Nakita kong tinutop ni Ina ang bibig Nang ihaplos ng lalaki ang daliri Sa pisngi. Napamulagat din si Ama. Si Lola, bumunghalit ng dasal, nakapikit.
Iyon ang lalaking dumakma ng manok sa silong, Kakulay ngayon ng gabi. Iyon ang lalaking dumakma sa akin, Ang lalaking humila sa akin sa silong, Kakulay na kami ng gabi. Kakulay na kami ng gabi, Gabing walang bituin. "Masarap ang bagong daraga"! Magagaspang ang kamay na tumakip sa aking bibig. Naggagalaw ako, Inihiga akong pilit. Itinutop sa hita ko ang nga hita niya, Marahas na nag-aapuhap Ang mga kamay. Bumiyak sa akin ang ari niya, Parang labaha. Ibinuka ako, Ibinuhaghag, Parang nagliliyab na liwanag, Humihiwa ng dilim. May mainit na agas sa nabiyak na sugat, Dugo ng ligis na bulaklak.
Ako ang kanyang hapunan. Katorse pa lamang, Walang laban sa labanan. Siya, Parang asong ulol, Urong-sulong, Akyat-manaog, Umangil-umangal, Nagkikimbot, di mapalagay, Hanggang ari'y malusaw. Sa kahihiyan, namaluktot ako, Isinubsob sa lupa ang ulo. Iyon ang gabing walang pangalan. Iyon ang gabing walang larawan.
Lumatag sa isip ko: Ito siguro ang kuwento ng Lola-- Mga engkantong kampon ng gabi, Aswang, Tikbalang, Duwende, Manduduro, Ay, pare-pareho na sila sa isip ko. Hindi ko maalala kung paano ko sila ginalit-- Sa dilim ba, ako'y nagwalis? Hindi ba ako nagpaalam nang magtanim ng sili? Lumapit ba ako sa punong baliti?
Hinahanap ko pa ang sagot Nang muli'y hilahin niya akong palabas sa silong. Kamatayang naglalakad ang aking ina Nang magtama ang aming mata; Bilasang isda ang aking ama, Hindi makatingin sa akin. Ngayon alam na niya, Hindi niya, kayang panindigan Ang pangako-- 'Hindi kita pababayaan!". At alam na rin ng Lola, Ni si Maria, ni si Hesus, Hindi ako kayang iligtas.
Nakabunton sa kamay ng Diyos Ang mga sunog na buhok, Sugatang lalamunang nawalan ng kapangyarihan Sa salita, Luhang inalkansiya ng gabi Sa tigang na lupa. Iyon ang simula ng isang siklo-- Ang paghahanap ng puntod Na paglilibingan ng kirot. Hindi pa nasusumpungan hanggang kasalukuyan. Ang huling hantungan. |
||