Awit Kay Jose Rizal*

 

Pinipintuho kong Bayan ay paalam

lupang iniirog ng sikat ng araw,

mutyang mahalaga sa dagat silangan

kaluwalhatiang sa ami'y pumanaw.

 

 

Paalam na bayaning di lumisan

Sa aming gunita, dahon ng kasaysayan

Sa aming puso, ugit ng pagmamahal

 

Sa panahong madilim ng ating bayan

Katalisikan mo, sikat ng araw

Buhay mo, liwanag ng buwan

 

Sa laksang aral na aming nadukal

Sa sanaysay, tula't nobelang nilamay

Sangka-Pilipinuha'y namulat na tunay

 

Minutyang nasa, malayang Pilipinas

Payapa, masaya, marunong, maunlad

Nakabuhol ang palad sa timyas at alab

 

Anong lalim, anong igting

Kaya poot ng dayuha'y umapoy, tumabsing

At hininga mo'y ipasyang kitlin

 

Sa maraming siglo ng pagkariwara

Kaisipan mo'y pinarola ng diwa

Kaya naman kahit nagdaralita

 

Nakaukit sa dila ang iyong salita

Nakatitik sa buto ang kayumangging nasa

Baya'y itanghal saanmang lupa

 

 

 

Saan man mautas ay di kailangan,

sipres o laurel, lirio ma'y patungan;

pakikipaghamok, a t ang bibitayan,

yaon ay gayon din kung hiling ng Bayan.

 

 

May krus, wari, ang iyong panitik

Libong libingan namin ngayo'y nakapunlang tahimik

Kung saan-saang paligid

 

Pamula Bagumbayang

Tinatahanan ng iyong kalansay

Hanggang sa malalayong bansa ng Gitnang Silangan

 

Napugto man ang buhay

Sa dahilang karaniwan

O sa mararawal na kalagayan

 

Pamula sa mag-asawang Silang

Na nangarap ng nagsasariling Kailokohan

Hanggang sa mga sakadang nandayuhan

 

Pamula sa inyo, mga Propagandistang

Sa Europa nakasumpong ng layaw

Ang tinig at panulat

 

Hanggang sa mga gradwadong Pilipinong

Humanap ng pagkakataon

Sa mga siyudad o nayon ng sariling bayan

 

O ng ibang bansa

Kahit na doon sa mga di tapos

Na napikot ng hamong patuloy na makairal

 

May mga namatay, tahimik o maingay

Pinapak ng ilap ng buhay

Napaslang, nagpatiwakal, napiit, napagbintangan

 

 

Tumimbuwang sa mga digmaan

Nakitil sa mga protestang-lansangan

Sinukol na hirap na hulihin ang pangarap

 

Mga lalaki't babaing sumilong sa liyab na libong sulo

Sumakay sa lunday ng panata't pangako

Hindi nagmamaliw, hindi naglalaho

 

Patuloy, patuloy, lahi'y nagsasakit

Pagkatao't pagkakatao'y hinahamig

Ibinabayubay ang sarili't isip

 

Dito, doon, saanman makarating

Ginhawa ng bansa, pilit hinahanap

Sa titig, tinig, dinig, haplos at lasap

 

Ng henerasyong dumating at daratal

Ikaw ang nagpunla niyon, Rizal

Timbulan ng lahing ngayo'y naglalamay

 

Patuloy, patuloy, inaawit ka namin

Binabakas-bakas ang himutok at hilahil

Habang inaalkansiya ang dinar, dolyar at riyal

 

Kita ng aming mga himutok

Tubo ng aming mga pagod

Upang ang mga mahal, kababayan, hinlog

 

Di humantong sa abang kinasapitan

Di magdusa ng iyong kapanglawan

Di mamalagi sa karalitaan

 

Patuloy, patuloy, kami'y sumisilong

Sa bubong ng iyong maandukhang layon

Sa kadakilaan ng iyong panahon

 

 

Kung sa libingan ko'y tumubong mamalas

sa malagong damo, mahinhing bulaklak,

sa mga labi mo'y mangyaring ilapat,

sa kaluluwa ko halik ay igawad

 

 

Dahil sa mga aral mong masuyo't matibay

Kilala namin ngayon ang huwad at tunay

Sumisigaw ang utak, kamay ma'y nakapakaw

 

Ay, ito ang tapang na ikinalasag ni Bonifacio

Nang magpasya siyang ipakaw sa pisaw

Ang laya't layaw ng mga kababayan

 

Ito ang idinalit nina Cruz, Abad, Tolentino

Laban sa mga Amerikano

Nang isadula ang pagtutol sa mga liwasa't patyo

 

Naging tinig ito ni Quezon nang pagkakaisa'y

Hingin sa ngalan ng wika

Panitik din ni Recto nang pagkamakabaya'y

 

Ibandila

Sa mga yapak ng wika mo namaybay si Ka Amado

Nang pag-alsahin ang mga obrero

 

Dumagundong itong bomba sa mga lansangan

Dahil isinigaw ng laksang kabataan

At, hanggang ngayon, sa sandaling ito

 

Inihahalik ng hangin sa iyong bantayog

Ang pagdakila ng kababaya't hinlog

Katarunga'y ipinaglalaban

 

Sa iyong pangalan

Isinisigaw/isinusulat/isinisiwalat

Ang pagkaapi

 

Humihingi ng ganti

Pasya'y itinititik ng mga labi't titig

Ipinupuyos/iniuumang ang mga kamao

 

Ikinakamanyang ang luwalhati mo

Sa bayang pinintuho

Jose Rizal, aming idolo

 

 

Ako'y patutungo sa walang busabos

Walang uminis at berdugong hayop;

Pananalig doo'y di nakasasalot

si Bathala lamang doo'y haring lubos.

 

 

Hindi pa, Rizal, sabi nga ni Da Costa

Laban mo'y patuloy pa

Laban mo'y patuloy pa

 

Patuloy naming idinadalit

Ang mga kaisipang dugo mo ang itinitigis

Marami pang kababayang naaamis

 

Patuloy, patuloy na nabubusabos

Ang mararalitang walang dunong, lakas-loob

Wala pa rin silang laban sa 'berdugong hayop'

 

Sa dahas ng pilak, pagsasamantala

Sa pang-aapi ng may-kapangyarihan

Sa anyaya ng huwad na ginhawa

 

Patuloy, patuloy na naghahari

Salaping bathala ng maraming lahi

Kababaya'y binabagabag, inuunsiyami

 

Ano ang karapatang sumaliw/maaliw

Sa taginting ng lirang ibinabagting

Ng kabilang-buhay, mahiwaga't lihim

 

Narito ang awit mo sa aming piling

Iniiral/inaaral, itinitibok namin

Inuusal-usal, parang dalangin

 

Hayaang patuloy naming dalisayin

Sa mga laman at buto ng pagkatao

Ang mga parolang aral ng buhay mo

 

Hayaang patuloy kaming manunton sa iyo

Sa Noli, sa Fili, sa mga Liham, tula at awit mo,

Hayaang patuloy ka naming buhayin

 

Hanggang hindi na namin mapagsino

Ang ikaw, kami at ako

Hanggang mananalaytay ang Pilipino sa mga ugat mo

 

At makadaloy ka sa mga ugat nila

Iyon ang panahong wala nang salot o busabos

Wala nang panginoon at alipin

 

Kundi Kayumanggi lamang, sa anumang pangalan

Filipino, mga anak ng bayan

Mga anak ni Rizal