Awit ni Apolinaria

 

Si Apolinaria Masong ay isang 20 anyos na guro ng elementarya sa Binabag, Bogo, Cebu. Nakipag-penpal siya kay Walter Hines, 64 taon, taga-Memphis, Tennessee. Lumipad siya patungong States at nagpakasal sa lalaki sa isang seremonyang sibil noong 1981. Noong Mayo, 1987, sumulat si Apolinaria kay Presidente Corazon Aquino, nagsusumbong na ibinigay siya ng asawang Amerikano sa isang eksperimentong naglalayong buntisin siya sa pamamagitan ng "artificial insemination". Nang lumaon, limampung "doktor" umano ang nagtulung-tulong para palitan ang kanyang kasarian. Nang isulat ito, hinahanap si Apolinaria ng mga kamag-anak niya, hindi pa natunton ng Philippine Embassy sa Washington, D.C. ang adres niya, at nawawala rin ang kanyang asawa. Nakuha ang impormasyong ito sa mga balitang nalathala sa Manila Times, Hunyo 11, 1987, at Taliba, Hunyo 18, 1987.

 

~I~ | ~II~ | ~III~ | ~IV~

I

 
Lampas na ako ng tatlumpu

At sinusuri ang pagiging guro.

Uma-umaga, sa paglakad,

Kinakambatan ako ng di maulatang paghahanap.

Dati't dating landasing binubuglawan

Ng mukha't tanawing karaniwan:

Mga lagas na dahong tinipon ng walis sa sulok

O inilipad na palayo ng hanging bumugso,

Masisigla't makukulimlim na matang

Nayuyungyungan ng duklay,

Mga musmos na walang balino't

Bating kinukusa't walang malay.

 

Nagpipilak ang aking buhok.

Sa noo'y may pangungulilang nagsasapot.

Guguluhin ng kamay ang buhok,

Tangkang mapalis ang sumisingit na takot.

Kaibigan ko ang salamin

Kung sa alindog, may makapansin.

Ngunit malupit siya't sadyang sinungaling

Kung gatla'y ipabanaag sa ilawang timsim.

 

Hinahabol ako ng pag-iisa

Sa landas na tinatahak uma-umaga,

Sa landas na tinatalunton ng aking maghapon,

Sa landas na binabaybay ng aking araw-araw.

Kung minsa'y hindi ko masising

Managhili ang sarili sa mga aninong

Pag-iibiga'y ipinamamarali.

Wala kasi akong maipagmalaki

Liban sa kaniig na sitsit ng kuliglig,

Kumot at unang madalas pang mapawalay

Kung waglit na ang isip sa idlip na sumalakay.

Madalas ding makatuklas ng inggit

Ang puso kong nanganganib,

Lalo't may musmos na magsing-irog

Naglulunoy ng halakhak sa tabing bakod.

Darating ang panahong boses ko'y gagaralgal,

Maghahagilap din ang aking mga kamay

Matutuyo ako at mababaog.

Alamat ang pag-ibig na sa aki'y

Di naihandog.

 

Multong nananakot ang taglagas

Ng sinegwelas

Kung wala kang kahaplusang balat.

Pag-aanasan sa dilim ay isang pangarap,

Palay o mais na aanihin

Ngunit hinabagat.

 

Umibig din ako nang magdidisisais,

Nauwi nga lang sa madlang hinagpis.

Isang bagong taong nangarap maglayag,

Nagbilang ng bituin kahit sa liwanag.

Pinakain sa kuko ang kalawang ng barko,

Nilamon ng tisis at saka tetano.

Walang pusok na sa ami'y namagitan,

Kaypait na kabataang nahaling sa sumpaan.

 

Bayabas akong nabubot sa duklay,

Walang nag-asam,

Kumuluntoy hanggang sinapupunan.

 

Sabi ng matatanda, mabuting magpakabirhen

Hanggang kasalan,

Malayo sa sumbat, walang kasalanan.

 

Kumain ng apoy ang magiging anak ko sana,

Bago naipunla, tagulaylay ay inawit na.

 

Sabik ako't nagdaramdam,

Pati pag-iyak ay nakaligtaan.

 

 

II

 
Hinarana ako ng pag-asa

Nang bumungad ang dekada otsenta.

Lampas na ako ng tatlumpu

At sinusuri ang pagiging guro,

Kinakambatan pa rin ng di maulatang paghahanap,

Uma-umaga, sa almusal.

At dahil humahabol pati ang kalendaryo,

Ginalugad ko maging ang mga diyaryo.

 

Noon ko nakilala si Walter.

Salamat sa mga anunsiyong pinilit gaygayin

Ng mga matang nagtatakipsilim.

Isang lalaking nasa kanyang taglagas,

Ibig pang mag-alab ang pusong pagas.

Tinigib niya ako ng mababangong pangako.

Binasa't pinaliguan ng salitang masasamyo;

Inagnas ako ng walang pangalang pag-aasam,

Lagda niya'y kontratang pinilit sandigan.

 

Inipit ko ang pag-ibig sa mga pahina.

Naglakip ako ng halik at buntonghininga.

Ang timyas ng pulot at antak ng kirot

Di na mapagtangi ng diwang may lugod.

 

Ang pag-ibig ko'y milya-milyang lumilipad.

Hinihintay na na dumapo sa mga tarangkaha't siyudad,

Papel ang nagsisiwalat at nagpapasalamat

Inako ng daliri maging ang panunumbat.

 

Dumating ang Mayong pinakahihintay ko,

Sa tambol ng Sinulog kay Santo Niño;

Taglagas ng sinegwelas di na alumana

Namanhikang sulat ang aking visa.

 

Tumutulong walang patid ang aking luha,

Nakaiiyak pala ako kapag maligaya.

 

III

Matanda ng si Walter ngunit ambisyoso pa,

Naluluoy na'y ibig pang mamunga.

Ang matris ko'y parang tuyong dahon

Sa de kahong anunsiyo ng palmolive na sabon--

Papatakan ng langis at mananariwa,

Batas ng kalikasa'y isinusumpa.

 

Lampas na ako ng apatnapu

At sinusuri ang puso:

Pag-ibig ba o libog ang dito'y nagdala,

Ano't ang lalaking ito'y hindi ko kilala?

May lamat ang salamin tuwing ako'y titingin,

Di pala sapat na birheng dumating.

 

Lampas na ako ng apatnapu

At kinukulit ng puso:

Bakit ang sinegwelas namumunga pagkalagas?

Hindi ka ba naniniwala?

Naglihi si Sara na isang matanda,

Nabuntis si Maria'y hindi namintana.

Umaagas pa ang pag-asa sa aking pagitan,

Nananariwa ako minsan sa isang buwan.

 

Hahayaan ko bang maglaho si Walter?

Siya lang lumuhod sa malumot na pader.

 

Ibinuwal ko ang huklubang takot,

Inisip na mas malungkot ang lungkot,

Namanatang igagawad ang sariling dugo

Ang pag-ibig ko'y huwag lang lumayo.

Maanong mabingit sa isang tagulaylay

Kung may oyayi namang dito'y mabubuhay.

 

Matigas ang mukha ko sa salamin,

Bukas na bukas, ako'y mangingiling.



IV


Lampas na ako ng tatlumpu

At ang takot ay tumitimo.

Ipinakulong ni Walter sa isang puting silid,

Dito niya susuriin ang tapat kong pag-ibig.

Luksa ang pusong ako'y tumalima,

Di masambit-sambit ang pagtutol ng diwa.

 

Limampu, limampu silang lahat,

Mga ginoong di maginoong tuyot ang halakhak.

Sa gulang na apatnapu ako'y lumampas

Ngayon pa ba naman mamamayagpag?

Sa isang puting silid ako'y nakapiit,

Dinudukalan ng basang langit.

 

Bibig ko'y may busal,

Mata ko'y may piring,

Paa't kamay ay may katad

Paggalaw ko'y pinipigil.

Nilingap-lingap ng salat ko si Walater,

Isa pala siyang kongkretong pader.

Di siya nagpagibik nang hita ko'y bumuka,

Nagsalsal pa siya nang ako'y masonda.

 

Limampu, limampu silang lahat,

Mga ginoong di maginoong tuyot ang halakhak.

Tulung-tulong, hali-halili,

Pagkababae ko'y kinakali.

Tinggil ko'y siniil, dila ko'y pinigtas,

Ang mayamang dibdib, ano't tinapyas.

Babae raw ba ako o lalaki,

Ipinatitiyak sa aparato

Ang nabuhaghag kong biyak.

 

Lampas na ako ng apatnapu

At kaluluwa'y sumusuko.

Sinusurot ako ng madlang dalamhati,

Ang kinasapita'y di mapagwari.

 

Tinalikdan ko ang pagkamatandang dalaga

Sa pamamagitan ng pagdila sa baga,

Ibinilad sa lahat ang tigang na matris

Sa pagnanasang may anak na magbatis.

Yakap ako ngayon ng panghihinayang

Bukod sa pagsisising walang hanggan.

Buhay nga ako'y isang alamat,

Amasonang sa digma'y naging sawimpalad.

 

Mga kababayan, hinlog at kabaro,

Huwag na huwag ilalakip sa papel ang inyong mga puso.