ANG AKING MGA NAMATAY

(Para sa lahat ng Kaluluwa sa Purgatoryo)

 

Nitong mga huling araw

Madalas kong kausapin ang aking mga namatay:

Silang maliligasgas ang kamay,

May mga noong kunutan,

Matang basa sa hinagpis,

Balikat na nilaylay ng pagtitis.

Madalas ko silang hagurin ng tanaw sa balintataw:

Silang lagi't laging nakasahod ang puso

Sa ambon ng awa at pagsamo.

Ano't sa isang sulyap mo

Umaaliwalas ang noo,

Wari'y haplos na maamo,

Marahan at masuyo.

 

Nitong mga huling araw

Madalas kong ipagdasal ang aking mga namatay:

Silang nadaragdagan ang bilang araw-araw

Dahil sa sakit, sakuna, kalamidad at giyera.

Hindi ko na mabanggit ang mga pangalan nila,

Ang mga mukha'y hindi ko na rin maalala,

Baka rin hindi ko kilala--

Isang hampas ng alon at naging kaluluwa,

Isang angil ng baril at naglaho na;

Naghikab si Linuk at nabaon ang pung-libo

Sa silong ng bato, pundido at kongkreto.

Wala na yatang bisa ang aking litanya,

Nabubulol ako sa pagsasaad ng 'purgatoryo',

Nauubusan na rin ako ng mga santo,

Tila inaalinsangan ang dasal ko

Dahil dumarami ang mga namatay ko.

 

Gayunman,

Kinakausap ko pa rin ang aking mga namatay:

Silang ipinaglulusaw ng kandila

Sa altar ng tuwa at unawa,

Silang pinag-aalayan ng bulaklak

Sa hapag kong mapaghanap.

Pinagkakaitan nila ako ng katahimikan,

Dahil nililigalig ako ng walang hanggang anasan.

Nangungundiman sila kahit sa dilim

Sumusumpong ang pangako sa mga sulok at pinto.

Sa labas, inihahatid ng hangin

Ang pag-aasam.

Sa loob, dasal silang tumitimo.

Kaawaan at patawarin ang kanilang kaluluwa,

Umaamot ng sulyap at sambit ang mga yumao,

Dagdagan ang dasal, dagdagan ang dasal,

Isabay ang hinaing sa tibok at sasal.

Naglipana ang kaluluwa ng mga namatay,

Hinihimok kitang itulos ang alaala

Sa dambana ng pag-asa,

Dagdagan ang dasal, dagdagan ang dasal,

Kinakausap ako ng aking mga namatay.

 

Ipinagdiriwang ko ang aking mga namatay:

Silang ibinaon ng iba't ibang panahon

At iniiwan na lamang sa aruga ng korona at kandila.

Huwag hayaang sa lapida lamang lumista

Ang mga pangalan nila,

Maaanong mangako rin tayo ng alaala,

Masasamyong gunita ng pagkabuhay nila sa lupa.

Bayaang awitin ang kanilang minsang pag-iral

Sa bawat pagmulat ng diwa at mata.

Bayaang ang kahulugan nila'y matirintas

Sa mga bagong bagay na tinutuklas.

At, pangakuan sila ng kapayapaan

Sa kapayapaan ng ating kaluluwa.

 

 

Ruth Elynia S. Mabanglo

Hawaii, 12 Oktubre 2005