Ako, sa Ibang Bansa

1 | 2

1. Ginugunita ko
Ang paglipad ng mga pangarap
Mula sa sinilangang pugad.

Tahimik akong nauupo
Sa gilid ng liwanag,
Binubusog ang utak
Sa mga dumapo't lumisang
Danas,
Inuusal ang libu-libong pangalang
Nahubad sa noo ng nakaraan at
Umuukit ng lapida sa kasalukuyan;
Mga pangalang nagbihis ng iba't ibang kahulugan,
Naglambong ng iba't ibang lumbay,
Sumakay sa iba't ibang nasa
Hanggang makarating sa iba't ibang buhay.

Ginugunita ko ang pagaspas
Ng lumipas--
Walang pasintabing dumaraan,
Marahas na gumagalugad ng isip,
Humuhukay ng alaala;
Ibinabalik ako sa paswit ng mga mayang siyudad,

Doon sa piyer,
Doon sa malalangis na dagat--
Lipaking mga andamyo, kalawanging kubyerta,
Matataong daungang dinadagsa ng pag-asa
Gabi-gabi, hapun-hapon, uma-umaga.
Nakapinta sa lirip ang marurusing na bangketa,
Nagkakandong ng isang ama, isang ina,
Ilang humahabol na anak,
Umiiyak na nobya o nagdaramdam na asawa;
Maaaring hindi ko naino
Ang pangarap na ikinintal sa nahihiyang halik
O nagmamadaling yakap,
Pag-ibig na kinumutan ng sermon, o
Kalingang isinupot sa mga bilin.
May dalang regalo ang iba,
Binalutan ng ngiti't nilasuhan ng yakap.
Ang iba'y nagpabaon ng init-palad
O timyas ng salitang
Nakabuntot sa palayaw at tawag.
Ilang kandila ang sinindihan
Ng hangaring lumisan?
Ilang piping dasal
Ang ikinaway ng mga hiram na damit,
Lusot na tampipi't, lumang retrato?
Ilang pangako
Ang itinanim sa hangin?

Lumalabo sa balintataw
Ang baybay ng kasabikan at himig ng pamamaalam.
Tumitibok sa mga ugat ang antak
Ng kadahupan.
Sumasakay sa mga bula at alon
Ang mga pita ng paglisan.

2.  Akala ko'y nagpaalam na ako sa daungan.
O doon sa istasyon ng bus.
O doon pa sa bahay
Habang binabalot ang alinmang
Pinakamahuhusay--
Damit, alahas, librong pampalipas ng inip
O panlunod sa pananabik,
Retrato at rekuwerdo.
Puso'y abala sa gagawing pagsisikap
Kaya ngayon lang sumagi
Ang pagbuklat sa kalupi.
Hindi ako makapagmamadali,
Lagi't lagi,
Tungkuli'y sasagi--
Aayusi't babaguhin ang lakad ko't lakarin,
Lagi't lagi akong pauuwiin.
Pipigtalin ko ang mga araw
Na wari'y pumipigtal ng dahon
Sa pahina ng panahon.
Akala ko'y nagpaalam na ako sa daungan.
Nawaglit sa alaala
Ang mga pahabol na kaway sa paliparan.
Parang bitin ang mga yakapan.
Parang sahol ang mga usapan.
Parang nagtataboy ang guwardyadong pintuan.
Hindi puwedeng isabay sa pagpasok
Ang iyak
O ngiti,
O ang nakikiusap na ingit
Ng kahit sinong gustong sumilip.
May pases ka ba mula sa manedyer?
Kamukha ba ng eskort mo ang heneral?
Dinaop mo ba ang nakalahad na kamay?

Lumalabnaw sa alaala
Ang mga kaway
Ngunit sa puso
Nakatimo ang mga himutok,
Ang ingit ng bunsong pilit kumakapit kahit inilalayo;
Ang mga biling wari'y kayang-kayang bilhin;
Ang mga layuning tila madaling abutin.

Nagpaalam na ako sa daungan,
Sa istasyon, sa paliparan,
Ngunit dinala ko,
Ibinaon ko,
Ikinurus ko,
Sa dila,
Sa isip,
Sa puso,
Ang araw na ito
Ang araw ng pagdayo
Sa lupaing di kilala.