Ruth Elynia S. Mabanglo

Plays





Free JavaScripts provided
by The JavaScript Source

ANG PAG-IBIG NI MAGNO RUBIO: Isang Oratoryo

Hango sa maikling kuwento ni Carlos Bulosan*

ni

Ruth Elynia S. Mabanglo

MGA TAUHAN
Korong Tagapagsalaysay
Korong Mang-aawit
Magno Rubio
Claro
Nick
Clarabelle
Iba pang Lalaking Sakada

TANGHALAN:
      Simple ang dulaan. May dalawang set ng risers na padayonal na nakatirik sa kaliwa at kanan ng tanghalan. Bakante ang pinakagitna para maging pasukan na koro at mga aktor. Sa pinakalikod o cyclorama, may iskrin para ipakita ang anumang imahe o larawang magagamit sa pagpapatingkad ng kahulugan ng dula.
      Madilim ang tanghalan sa simula. Maririnig ang paghihip ng pakakak, susundan ng palo ng mga sagwan.
      Unti-unti, papasok ang Korong Mang-aawit. Tutuloy sila sa riser sa kaliwa.

Korong Mang-aawit:
Gaod! Patungo sa laot! (2x)

      Magdidilim uli ang tanghalan. Tapos, maririnig naman ang malakas na ingay na pagdating ng isang malaking barko. Makikita ito sa iskrin. Ipakikita ang pagdaong ng isang barko noong pagpasok ng ika-20 siglo. Pamaya-maya, ang pagbaba ng mga pasahero.
      Isa-isang papasok ang Korong Tagapagsalaysay. Nagsasalita sila habang papasok. Tutuloy sila sa riser sa kanan.

Korong Tagapagsalaysay:
Ito ang kuwento ng mga Pilipino
Ang kuwento ng mga Pilipino

Mula sa iba't ibang pulo
Dumako iba't ibang pulo

Mula sa iba't ibang pook
Tumungo sa iba't ibang pook

Mula sa iba't ibang siyudad
Lumipat sa iba't ibang siyudad

Ito ang kuwento ng inyong mga ina at ama,
Ang kuwento ng inyong mga tiyo at tiya
Ang kuwento ng inyong mga lola at lolo

Ito ang kuwento ninyo
Ang kuwento ng mga Pilipino

Ito ang kuwento ng mga Pilipino
Ang kuwento ng isang Pilipino

Solo:
Sino?

Korong Tagapagsalaysay:
Si Magno Rubio!

Sa pagitan ng dalawang riser, lalabas si Magno Rubio, dala ang tampipi, nakatanga sa barko.

Magno: Naku, huli na yata ako. Ito pa naman ang ang aking pangarap. Amerika! Amerika! Hintay, nandiyan na ako! (Akmang sasakay, titigil. Unti- unting mamamatay ang ilaw)

Korong Mang-aawit:
Gaod, Gaod, patungo sa laot (2X)

Freeze sa gitna ng tanghalan si Magno Rubio. Tanggal ang sambalilo, kilik ang kanyang tampipi.

Korong Tagapagsalaysay:
Si Magno Rubio!

Gaya ng ibang Pilipino
Naging sakada sa Hawaii
Nagtanim ng asparagus sa California
Naglata ng tuna sa Alaska
Pumitas ng ubas sa Delano
Naging kargador, mutsatso, kaminero

Si Magno Rubio
Pilipino

Kayumanggi ngunit tinatawag na itim
Mababa ngunit tinatawag na pandak
Sarat ang ilong ngunit tinatawag na sungad

Si Magno Rubio
Pilipino

Korong Mang-aawit:
(Sa tono ng isang awit ni Sylvia La Torre)
Ang binata na ating kabayan
Natutong lumayo, naghanap ng Inday
Nagpunta sa US
Pumitas ng ubas
Ang kasing-kasing na nasawi
Nalulumbay

Sa gitna ng tanghalan, papasok ang lima o anim lalaki. Pupuwesto sila sa gitna, may dalawang maglalaro ng dama, may dalawang mag-iinuman. Sa gitna, nakatalikod sa manonood, nakasalampak si Magno Rubio.

Korong Tagapagsalaysay:
Si Magno Rubio
Pilipino!

Kayumanggi ngunit tinatawag na itim
Mababa ngunit tinatawag na pandak
Sarat ang ilong ngunit tinatawag na sungad

Punggok, maliit ang ulo
Katawang tila pagong
Kayumangging-kayumanggi
Parang bao ng niyog.
Hayan, magsasaka,
Beinte singko sentimos isang oras,
Umiibig sa isang babaing di pa nakikita,
Isang babaing mas matangkad
Mas malapad kaysa kanya

Magdidilim sa lugar ng mga koro. Liliwanag sa gitna. Tatayo si Magno Rubio, kakalabitin ang isa sa mga lalaking umiinom, si Claro. Magagalit ito at bubulong ng kung anu-ano. Maya-maya, akmang magususuntukan na ang dalawa.

Magno Rubio:
Bakit ba ayaw mo na akong igawa ng sulat? Mahal ma mahal ko siya.

Claro:
Hibang ka ba? Anong mahal-mahal ang sinasabi mo? Lagi kang titingala sa kanya dahil mas mataas siya sa iyo; at kung nakahiga na kayo, madudurog ka dahil ang lapad-lapad niya!

Magno Rubio:
Sa pag-ibig lahat pantay-pantay.

Claro:
Sira ulo ng nagsabi niyan!

Magno Rubio:
Aba, tiyo ko ang nagsabi niyan!

Claro:
Edukado ba siya?

Magno Rubio:
Marami na siyang karanasan.

Claro:
Hmmp. Paismid na lalayo sa grupo.

Magno Rubio:
(Babaling sa isa sa mga naglalaro ng dama)
Ikaw, Nick. Ipaliwanag mo nga. Di ba nakapag-aral ka?

Nick:
Oo.

Magno Rubio:
Nakatungtong ka ng kolehiyo, di ba? Ilang taon ka umabot sa kolehiyo?

Nick:
Sapat para maunawaan ang ilang bagay, Magno.

Magno Rubio:
Sabihin mo, ano ang kaugnayan ng laki o timbang sa pag-ibig? 'Yong totoong pag-ibig, ha? 'Yong tapat na pag-ibig.

Nick:
Parang wala namang kaugnayan.

Magno Rubio:
Kita mo, Claro. Iyon din ang iniisip ko.

Claro:
Pero ni hindi pa niya nakikita ang babae. Pa'no niya ito maiibig?

Nick:
(Maglilipat-lipat ng tingin kay Claro at pagkatapos kay Magno.)
Depende iyon. Maaaring nasa isip muna ang iniibig… nagsisimula bilang isang binhing itinatanim sa puso at isip… parang halaman. Tapos, lumalaki ito sa paningin at damdamin ng umiibig.

Magno Rubio:
Tama, 'yon 'yon! Hindi ko gaanong maintindihan ang paliwanag ni Nick, pero alam kong posibleng ibigin ang isang taong hindi mo pa nakikita.

Nick:
Iyon nga ang ibig kong sabihin, Magno.

Magno Rubio:
Salamat, Nick. Iniligtas mo ako sa kahihiyan!

Magdidilim ang gitna. Iilaw sa korong tagapagsalaysay at korong mang-aawit.

Korong Tagapagsalaysay:
Sa dayaspora, maraming istorya ng romansa.
Narinig na natin ang mail order bride, e-bride,
village to village matching ng babae at lalaki--
gaya halimbawa ng isang komunidad sa Japan
na ihahanap ng mapapangasawa sa Gapan
(diyan po iyon sa Nueva Ecija),
mayroon din namang espesyal na pag-aareglo
ng mga kapitbahay, kaibigan o kung sinu-sino
na may interes makatulong o kumita.
At, mayroon din namang nagnenegosyo--
nagtatrapik ng babae sa internet, ahensiya at diyaryo.
May nagiging DH, prosti, alipin,
pero bihirang-bihira ang kuwento ni Magno.
Siya, lalaking umiwan sa lupang Pilipino
Para magbungkal ng lupang Amerikano,
Tanging sipag at determinasyon ang katangiang taglay niya
Kaya di marunong sumulat o bumasa
sa panahong pakikipagsapalaran ang tanging pag-asa
Pagkat
Bawal dalhin ang pamilya,
bawal mag-asawa ng di kalahi niya.

Korong Mang-aawit:
Paano gagamutin ang pangungulila?
Saan aamutin ang lugod at saya?
Kung nagtatampo ang ligaya
Saan ang puso'y pupunta?

Korong Tagapagsalaysay:
Si Magno Rubio
Pilipino!

Kayumanggi ngunit tinatawag na itim
Mababa ngunit tinatawag na pandak
Sarat ang ilong ngunit tinatawag na sungad
Gumamot ng sariling pangungulila
Sa pakikipagsulatan sa isang dalaga
Si Clarabelle
Mula kung saang bundok ng Arkansas
Ipinagbibili ang bukas sa isang sulat.

Korong Mang-aawit:
O pag-ibig na makapangyarihan
Pag pumasok sa puso ninuman
Hahamakin maging kasawian
Masunod lamang ang minamahal.

Didilim sa lugar ng mga koro. Magliliwanag uli sa gitna.
Tatambad sina Nick at Magno.

Magno Rubio:
Tulungan mo ako, Nick. Ikaw lang ang malalapitan ko.

Nick:
Ano ang maitutulong ko?

Magno Rubio:
Igawa mo ako ng sulat.

Nick:
Para kanino?

Magno Rubio:
Sa nobya kong taga-Arkansas.

Nick:
Akala ko sinusulatan mo na siya?

Magno Rubio:
Ganoon na nga.

Nick:
Hindi ko kayang ilahad ang nararamdaman mo, Magno.

Magno Rubio:
Kayang-kaya mo. Ididikta ko sa 'yo sa Tagalog, isalin mo sa Ingles.
Alam mo, dati niya akong ginagawa ng sulat…

Nick:
Si Claro?

Magno Rubio:
Tatango. Pero masyado nang mahal, Nick. Hindi ko na kaya.

Nick:
Magkano bawat sulat?

Magno Rubio:
Kumplikado. Dati, isang boteng alak lang, ayos na. Pero naisip niyang gawing hanapbuhay. 'Di ko alam kung sino nagsulsol sa kanya. Siguro nagka-ideya siya sa panonood niya ng sine. Siningil niya ako ng limang dolyar kada sulat.

Nick:
Sa palagay ko makatwiran lang 'yon, Magno. Tutal, gumastos naman siya nang mag-aral siya ng ikalawang grado.

Magno Rubio:
Hindi mo naiintindihan, Nick. Sumusulat ako sa nobya ko araw-araw. Dos singkwenta lang kada araw ang suweldo ko. Pero kailangan kong sumulat. Mahal na mahal ko si Clarabelle. Nauunawaan mo ba?

Nick:
Umibig din akong minsan. Nauunawaan ko.

Magno Rubio:
Alam mo ang ibig kong sabihin?

Nick:
Singko dolyar kada sulat. Higit pa sa kita ko sa isang araw bilang bookkeeper.

Magno Rubio:
At hindi pa siya nagkasya do'n. Dahil alam niyang patay na patay ako Clarabelle sinisisingil na niya ako ngayon ng singko bawat salita.

Nick:
Singko bawat salita? Holdap na 'yan!

Magno Rubio:
Ang masakit, marami siyang salitang hindi ko maiintindihan. Pagkahaba-haba ng sulat, pagkalalim-lalim ng mga salita! Paano kung nanliligaw na siya para sa sarili niya?

Nick:
Mahirap sabihin 'yan.

Magno Rubio:
Pero me tiwala ako sa sarili ko. Kaya lang, me mga taong ginagamit ang edukasyon nila para mang-alipin ng kapwa. Akala ko, dapat gamitin ang edukasyon para tulungan ang iba.

Nick:
Sa aking palagay, tama ang sinabi mong dapat gamitin ang edukasyon para tulungan ang iba. Dapat din itong gamitin para makahanap ng pagkakataon para magkaunawaan ang mga tao.

Magno:
Pero talagang magnanakaw siya. Kung hindi kita nakilala at hindi mo ako natulungan, kumagat sana ako sa presyong hinihingi niya pagkatapos. Diyes sentimos kada salita!
Gusto niyang pigain ang aking dugo. Alipinin ako habambuhay!

Magdidilim ang tanghalan sa gitna. Iilaw uli sa gawi ng koro.

Korong Tagapagsalaysay:
Nakilala ni Magno si Clarabelle
sa pahina ng Lonely Hearts Magazine.
Isang dolyar ang ibinayad ni Clarabelle
para malagay ang retrato at adres niya sa magasin.

Paano kaya nalaman ni Magno Rubio
ang anunsiyo e hindi naman siya marunong
bumasa?

At, don't forget, hindi rin siya marunong sumulat.

Si Claro ang bumasa ng magasin
Si Claro din ang nagsabi kay Magno tungkol sa anunsyo.
Siyempre, si Claro ang nagsulsol kay Magno--
Sige, Magno, sulatan mo,
Ang gandang babae nito.
Clarabelle… tatayo di lamang ang balahibo mo!

Si Magno Rubio
Pilipino!

Kayumanggi ngunit tinatawag na itim
Mababa ngunit tinatawag na pandak
Sarat ang ilong ngunit tinatawag na sungad

Punggok, maliit ang ulo
Katawang tila pagong
Kayumangging-kayumanggi
Parang bao ng niyog.

Si Magno Rubio
Pilipino!

Umibig sa kasulatang si Clarabelle,
Limang talampakan at labing-isang pulgada ang taas
Laban sa apat na talampakan at anim na pulgada niya.
Si Magno maliit ang ulo
At si Clarabelle
Tumitimbang ng siyento nobenta libras!

At umibig ba agad si Magno?

Lalabas si Magno at haharap sa manonood.

Magno Rubio:
Lungkot na lungkot na ako noon.
Namimitas kami ng kamatis--
Ay, nagkakatusak na kamatis!
Ayoko nang magtrabaho.
Punung-puno na ng kamatis ang mga kamay ko,
Punung-puno ng kamatis pati mata ko,
Nangangamatis na rin ang utak ko!
Diyos ko!
Ayoko na! Ayoko na!

Pero nakilala ko si Clarabelle.
Nagkaroon ng kabuluhan ang pamimitas ng kamatis.
Nagkaroon ng kahulugan ang buhay ko.

Mawawala. Iilaw sa dako ng Korong Mang-aawit:

Korong Mang-aawit:
O pag-ibig na makapangyarihan
Pag pumasok sa puso ninuman
Hahamakin maging kahirapan
Maangkin lamang ang minamahal

Iilaw uli sa dakong gitna. Lalabas na naman sina Nick at Magno.

Magno Rubio:
Laking deskanso ko dahil sa iyo, Nick. Ibang-iba ka.
Hindi ka umiinom na gaya ni Claro. Hindi ka naghahanap ng babae na katulad ng kapatas natin. Hindi ka naninigarilyong gaya ng mga putatsing diyan sa Elite Hotel. Hindi ka nagsusugal na gaya ng mga sanggano sa bilyaran. Hindi ka ngumunguya ng tabakong gaya…

Nick:
Huwag na tayong magbolahan, Magno. Tinutulungan kita dahil kailangan mo ng tulong. Malay mo, ako naman ang mangailangan ng tulong sa iyo balang-araw.

Magno Rubio:
'Yan ang gusto ko sa 'yo… nakatuntong ka ng kolehiyo. Ginagamit mo ang edukasyon sa mabuting paraan. Hindi ka nang-iinsulto. (Maiiyak) Naiintindihan mo ako, 'di ba, Nick?

Nick:
Ano ang plano mo para kay Clarabelle?

Ilalabas ni Magno Rubio ang isang lukot na retrato sa kanyang pitaka. Pagmamasdasn ang retrato.

Magno Rubio:
Gusto ko siyang pakasalan, Nick.

Nick:
'Yan ba ang gusto mong isulat ko?

Magno Rubio:
Sana…

Nick:
Kung 'yan ang balak mo, dapat mo nang sabihin sa kanya. Magkano na ba ang nagagastos mo sa kanya?

Magno Rubio:
Magbibilang sa daliri. Mag-iisip nang kaunti.
Siguro mahigit dalawandaan na. Sitenta'y singko sa engagement ring… 'Yong relos, otsenta'y singko. Isang pares na sapatos, ilang damit, isang bracelet na brilyante, siyento beinte nuwebe. Mahigit tres syentos na, Nick.

Nick:
Ang daming pera no'n!

Magno Rubio:
Maliit 'yon kumpara sa kaligayahan ko!

Nick:
Kung 'yan ang inaakala mo!

Magno Rubio:
Ginagastos ko sa kanya bawat kusing na kitain ko. Nanghiram pa nga ako sa kapatas, patubuan. Ang laking magpatubo ng buwaya! Pero ayos lang 'yon, Nick. Hindi ako nanghihinayang. Masaya 'ko.

Nick:
Gusto mo bang isulat ko na mamayang gabi na hihingi mo ang kamay niya?

Magno Rubio:
Oo, Nick. Gawin na natin agad.

Nick:
E kung magbago ang isip niya pagdating sa California?

Magno Rubio
Mananahimik sandali.
Hindi gagawin 'yon ni Clarabelle. Me tiwala ako sa kanya. Isa siyang mabuting babae.

Nick:
Sana tama ka.

Mamamatay ang ilaw sa gitna. Iilaw sa mga koro.

Korong Tagapagsalaysay:
Ipinadala ni Nick ang sulat.
Sumagot agad si Clarabelle.
Tinatanggap niya ang alok na kasal.
Pero…
Kailangan pa daw niyang manatili sa Arkansas.
May sakit daw ang nanay niya.
Gayunman,sinabi kay Magnong
Ipadala na agad ang pera
Para sa tiket at iba pang gastusin niya.
Aalis daw siya agad ora mismong gumaling
Ang kanyang ina.

Agad-agad, ipinadala nila ang pera.

Dumaan ang ilang araw.
Dumaan ang dalawang linggo. Tatlo.
Dumating ang sulat ni Clarabelle.
Binasa ni Nick,
Isinalin kay Magno.
Lumubha ang sakit ng nanay ni Clarabelle,
Namatay!
Nagastos daw ang pera sa libing.

Lalabas sa tanghalan (downstage left) si Clarabelle. Luhaan. Hawak ang isang kamay ang panulat, sa kabila ang isang papel.

Clarabelle:
Yes, Magno. I am very sorry. I spent all the money you sent for my mother's funeral. But that problem is even made worst by the fact that I have three other siblings the oldest of whom is not even ten yet. We are orphans now. I have to take care of them. This is one reason I cannot join you yet no matter how much I love you. You believe me, don't you? I care for you a lot but I have this obligation to fulfill.

Iilaw sa may gitna, lalabas uli sina Nick at Magno.

Magno Rubio:
Kawawang Clara! Tutulungan kita, Mahal ko.
Ang tungkulin mo ay tungkulin ko!

Clarabelle:
But don't worry. As soon as I am able to escape this obligation, I will marry you, Magno. Will you wait?
Unti-unting mawawala.

Magno Rubio:
Oo, maghihintay ako. Hihintayin kita, Clarabelle… Clarabelle…

Nick:
Isusulat ko na ba 'yan, Magno?

Didilim sa tanghalan. Iilaw sa mga koro.

Korong Tagapagsalaysay:
Nagpatuloy ang sulatan
Sa pagitan ng California at Arkansas,
Sa pagitan ng Arkansas at California.
Si Magno:
Mga sulat ng pag-ibig at pag-asa.
Si Clarabelle:
Iba't ibang hinaing at pagdurusa.
Si Magno:
Panay ang padala ng pera, damit
At kung anu-ano pa.
Si Clarabelle:
Panay ang pasalamat at dagdag na daing pa.

Korong Mang-aawit:
Ay, ay, kaylungkot,
Kaylungkot na kasaysayan
Araw-gabi, pagsisikap ang kaulayaw
Binatang dumayo sa ibang bayan
Mamatay-matay sa tinanguang pananagutan.

Dapat bang kaawaan o tawanan?
Dapat pang pangaralan o pag-aralan?

Iilaw sa gitna. Ipakikita ang isang tableau ng mga magsasaka na nagmimima ng mga gawain. Sakay ang isang kapatas ng isang kabayo, madalas sisinuhin si Magno.
Titigil ang iba at magpapahinga, patuloy pa ring magtatrabaho si Magno.

Korong Mang-aawit:
Hala, bira, pwera pasma!
Hala, bira, pwera pasma!
Trabaho na, trabaho pa,
Hala, bira, pwera pasma!

Korong Tagapagsalaysay:
Kayod- kalabaw, buhay-askal,**
Ito ang gawa ni Magno Rubio.
Trabahong kalabaw, buhay-aso,
Pagmasdan ninyo't
Mukhang huramentado!

Para may maipadala kay Clarabelle
At sa mga kapatid niya,
Trabahong kalabaw, buhay-askal!
Ni ayaw kumain, ni ayaw magbisyo,
Tipid na tipid si Magno Rubio.

Kayod kalabaw, buhay-askal,
Ito ang gawa ni Magno Rubio
Trabahong kalabaw, buhay-aso,
Parang tarantado si Magno Rubio.

Sa gitna, sa paraang istalisado, magkokoryograp ng galaw ang mga magsasaka at parang ikikristo si Magno Rubio sa mga gamit na asarol, pala, piko, mga damo at iba pang props na may kaugnayan sa agrikulturang Amerikano. Habang nangyayari ito ang korong mang-aawit ay sasaliwan ng tambol.

Korong Mang-aawit:
Hala, bira, pwera pasma!
Hala, bira, pwera pasma!
Trabaho na, trabaho pa,
Hala, bira, pwera pasma!

Magdidilim ang tanghalan.
Pagliliwanag, wala na ang mga koro. Makikita ang anim na lalaki, sina Claro, Magno Rubio, Nick at iba pa, nagdadama, nag-iinuman. Nagbabasa si Nick. Lalapit si Magno.

Magno Rubio:
Wala ka bang nobya, Nick?

Nick:
Wala.

Magno Rubio:
Dapat may nobya ka. Sayang ka. Edukado ka pa naman.

Nick:
Walang kaugnayan ang edukasyon sa pagkakanobya.

Magno Rubio:
Parang mahirap paniwalaan. Bakit ako, walang pinag-aralan…

Claro:
Oo nga, wala ka ngang pinag-aralan. Bakit may nobya ka ba?

Magno Rubio:
Siyempre, si Clarabelle!

Claro:
Si Clarabelle! Pa'no ka maiibig ni Clarabelle?

Magno Rubio:
Ano ang ibig mong sabihin?

Claro:
Pa'no ka maiibig ni Clarabelle? Mangmang ka na, mukhang unggoy ka pa!

Magno Rubio:
Put… (susuntukin sana si Claro, pipigilin ni Nick. Pipigilin naman ng ibang lalaki si Claro) Nobya ko si Clarabelle. Nobya ko siya! Mahal niya ako!

Claro:
Akala mo! Hindi lang ikaw ang pinadadalhan niya ng sulat, hibla ng buhok, retrato at kung anu-anong pag-asa. Ako rin… ako rin…

Mapapatanga sandali sa narinig. Lalong magwawala si Magno. Pilit niyang aabutin si Claro.

Magno Rubio:
Ahas! Inahas mo siya sa akin! Inahas mo siya sa akin!

Nick:
Tumigil ka na Magno, ikaw ang nagwagi. Sa 'yo si Clarabelle. Ikaw ang mahal niya.
Iyan ang sinabi sa sulat. Darating siya para sa iyo, hindi para kay Claro.

Magdidilim.
Papasok ang mga Koro:

Korong Tagapagsalaysay:
Si Magno Rubio
Pilipino!

Kayumanggi ngunit tinatawag na itim
Mababa ngunit tinatawag na pandak
Sarat ang ilong ngunit tinatawag na sungad

Punggok, maliit ang ulo
Katawang tila pagong
Kayumangging-kayumanggi
Parang bao ng niyog.

Si Magno Rubio
Pilipino!

Umibig sa kasulatang si Clarabelle,
Limang talampakan at labing-isang pulgada ang taas
Laban sa apat na talampakan at anim na pulgada niya.
Si Magno maliit ang ulo
At si Clarabelle
Tumitimbang ng siyento nobenta libras!

Si Magno Rubio
Pilipino

Inararo ng Amerika
Upang magkaroon ng pag-asa
Upang magkaroon ng pagnanasa
Inakit ng kanyang Clarabelle
Upang igumon sa pagdurusa

Si Magno Rubio
Tadtad ng utang na patubuan
Trabahong kalabaw, buhay-aso
Sa lupain ng mga Amerikano,
Pilipino!

Magdidilim sa gawi ng mga Koro.
Iilaw sa gitna. Makikita si Magno, nagmimima ng pagsasalansan ng mga kahon.
Papasok si Nick kasama ang isang Amerikana. Mataba gaya ng inaasahan pero blonde.

Nick:
Magandang balita, dumating na ang hinihintay natin.

Magno Rubio:
Clara… (hindi makapagsalita, hiyang-hiya).

Clarabelle:
Well, glad to meet you too, Magno. Nick, did you tell him that we cannot get married here? I am sorry but the state of California does not allow affairs such as this. Explain it to him, Nick. (Maghihintay habang binubulungan ni Nick si Magno) What about Claro? Is he around?

Nick:
He left for Alaska.

Clarabelle:
Alaska? He didn't even say goodbye. That's no way to treat a lady. Did he say when he will return?

Nick:
No, he didn't say. (Babaling kay Magno) Magno, hindi kayo pwedeng pakasal dito. Bawal sa buong estado ng California ang kasalan sa pagitan ng magkaibang lahi. Siguro pinakamainan na magpunta sa Washington. Kahit na sa New Mexico. Baka mga
dos siyentos ang kailangan mo.

Magno Rubio:
Di bale, Nick, mangungutang ako sa kapatas.

Clarabelle:
I am tired, Magno. I need to rest. Can you get me a room in a hotel tonight? And if we get married, I'll need a new ring. I had to see the engagement ring you sent me a while back. I needed the money for my siblings. I also had oter expenses I needed to take care of.

Nick:
Clarabelle, Magno won't be able to do it now. The banks are closed.

Clarabelle:
Tomorrow then?

Magno Rubio:
'Eto muna ang singkwenta, Nick. Pakibigay mo sa kanya. Samahan mo 'ko sa kapatas ha? Mangungutang ako. At, baka may maipautang ka rin, babayaran ko matapos maisaayos ito. Magsisipag akong lalo. May dalawandaan akong naitatabi sa bahay. Kunin natin bago siya ihatid sa hotel.

Clarabelle:
O, thank you, Magno! So, we'll be married tomorrow then.
(Hahagkan si Magno sa pisngi. Mapapatulala si Magno sa pagkagulat).

Magdidilim. Lalabas ang koro.

Korong Mang-aawit:
Umahon ang pag-asa sa gitna ng dusa
Ay, anong saya, anong saya!

Ganito pala kung dumating ang pag-ibig
Nalilimot ang lungkot, ang pait, ang kirot!

Sa pagdampi ng labi ni Clarabelle
Sa lipaking pisngi ni Magno
Parang umilanglang ang puso
Ng binatang maamo
Ang inaalong dibdib ano't nalamuyot
Naghahangad kasi ng isang pag-irog.

Korong Tagapagsalaysay:
Ay, ay, pag-asa!
Liwanag kang ayaw magpapikit ng mata!
Hindi dalawin ng antok si Magno.
Parang kaybaba ng langit, abut na abot.
Parang kaybabaw ng dagat, aruk na arok.
Anong gandang kapalaran ito--
Si Magno Rubio
Pilipino!

Umibig sa kasulatang si Clarabelle,
Limang talampakan at labing-isang pulgada ang taas
Laban sa apat na talampakan at anim na pulgada niya.
Si Magno maliit ang ulo, punggok na parang pagong.
Si Clarabelle, mas matangkad, mas malapad,
Puti, pula ang buhok, asul ang mata,
Umiibig kay Magno,
Umiibig din kay Magno!

Si Magno Rubio
Mapalad na Pilipino!

Magdidilim sa dalawang koro. Iilaw sa gitna. Makikitang nag-uusap
sina Magno, Nick at ang isang Amerikano sa may harap ng isang hotel.

Nick:
Sapat na ba ang pera mo? Magbabayad pa tayo rito.

Magno Rubio:
Pinautang mo ako ng isandaan, pinautang din ako ng foreman. Hay, ako na ang pinakamapalad na lalaki sa mundo. Ano pa ang hahanapin ko?

Nick:
Good morning. We are here for Miss Clarabelle.

Clerk:
Oh, she checked out at 4 am today. Her husband picked her up.

Nick at Magno Rubio:
(Magkasabay)
Husband… husband…
(Mapapatanga. Mapi-freeze hanggang sa mamatay ang ilaw)

Magdidilim ang ilaw. Magkakaroon ng slide ng iba't ibang itsura ni Magno, hirap na hirap sa iba't ibang plantasyon, nangungutang, sumusulat, nakikipagsuntukan kay Claro habang nagsasalaysay ang koro.

Korong Tagapagsalaysay:
Si Magno Rubio
Pilipino!

Kayumanggi ngunit tinatawag na itim
Mababa ngunit tinatawag na pandak
Sarat ang ilong ngunit tinatawag na sungad

Punggok, maliit ang ulo
Katawang tila pagong
Kayumangging-kayumanggi
Parang bao ng niyog.
Magsasaka, sakada, naglata ng sardinas sa Alaska,
Namitas ng kamatis at ubas sa California,
Naging handyman, mutsatso at hardinero.
Nag-ambisyong maging Amerikano
Nangarap ng yakap at halik ng isang Amerikana
Mas matangkad, mas malapad sa kanya.
Binaligtad ang bulsa
Nilantad ang puso at pag-asa
Sa mapagsamantala.

Hayan, si Magno Rubio
Pilipino!

Magdidilim ang tanghalan.

WAKAS


* Pinamagatang "The Romance of Magno Rubio", nalathala ang kuwento sa Brown River, White Ocean: An Anthology of Twentieth Century Philippine Literature in English na inedit ni Luis H. Francia, Rutgers University Press: New Jersey, c1993, pp. 34-43.

** Slang sa "asong kalye".