MGA TULANG TUNGKOL SA KABUHAYAN AT
KAHIRAPAN
Ang mga Kagila-gilalas na
Pakikipagsapalaran ni Juan de la Cruz
Jose F. Lacaba
Isang gabing madilim
puno ng pangambang sumakay sa bus
si Juan de la Cruz
pusturang-pustura
kahit walng laman ang bulsa
BAWAL MANIGARILYO BOSS
sabi ng konduktora
at minura
si Juan de la Cruz
Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
nilakad ni Juan de la Cruz
ang buong Avenida
BAWAL PUMARADA DITO
sabi ng kalsada
BAWAL UMIHI DITO
sabi ng bakod
kaya napagod
si Juan de la Cruz
Nang abutan ng gutom
si Juan de la Cruz
tumapat sa Ma Mon Luk
inamoy ang mami siopao lumpia pansit
hanggang sa mabusog.
Nagdaan sa Sine Dalisay
hinitigan ang retrato ni Chichay
PASSES NOT HONORED TODAY
sabi ng takilyera
tawa nang tawa.
Dumalaw sa Kongreso
si Juan de la Cruz
MAG-INGAT SA ASO
sabi ng tiputado.
Nagtuloy sa Malakanyang
wala namang dalang kamanyang
KEEP OFF THE GRASS
sabi ng hardinero
sabi ng sundalo
kay Juan de la Cruz.
Nang dapuan nang libog
si Juan de la Cruz
namasyal sa Culiculi
at nahulog sa pusali
parang espadang balibali
YOUR CREDIT IS GOOD BUT WE NEED CASH
sabi ng bugaw
sabay higop ng sabaw.
Pusturang-pustura
kahit walang laman ang bulsa
naglibot sa Dewey
si Juan de la Cruz
PAN-AM BAYSIDE SAVOY THEY SATISFY
sabi ng neon.
Humikab ang dagat na parang leon
masarap sanang tumalon pero
BAWAL MAGTAPON NG BASURA
sabi ng alon.
Nagbalik sa Quiapo
si Juan de la Cruz
at medyo kinakabahan
pumasok sa simbahan
IN GOD WE TRUST
sabi ng obispo
ALL OTHERS PAY CASH.
Nang wala nang malunok
si Juan de la Cruz
dala-dala’y gulok
gula-gulanit na ang damit
wala pa ring laman ang damit
umakyat
Sa Arayat
ang namayat
Na si Juan de la Cruz
WANTED DEAD OR ALIVE
sabi ng PC
at sinisi
ang walang hiyang kabataan
kung bakit sinulsulan
ang isang tahimik na mamamayan\
na tulad ni Juan de la Cruz.
Ang Dangal ng Mahirap
Jose Corazon de Jesus
Si Isaac Valeriano, isang kutsero,
Ay buong dangal na nagsauli ng
Halagang 326 na piso na naiwan
Ng isang Hapones sa kaniyang kalesa.
Dangal,
Ikaw’y tumutubo,
sa lahat ng puso…
And hamak na dukha kung minsan sa buhay
ay siyang madalas na iyong lapitan.
Ay , hindi…
Huwag ninyong tingnan ang tao sa kanyang maliit na
hanapbuhay.
Na sapagkat ang iba ay nanghaharang.
Na sapagkat ang iba’y masasama.
Na sapagkat ang iba’y nagnanakaw.
Na sapagkat ang iba’y nagkakasala ay masama nang
lahat…
O nagkakamali ka kaibigan.
Sa iisang punong santol tikman mo ang bunga at di
magkaisa
ng tamis o asim
Sa iisang kamay ng tao tingnan mo’t hindi pare-pareho
ang haba at laki.
Sa puso pa kaya at kahihiyan magkaisa ang tao?
Iyang karangalan
ay isang halamang
lalong lumalabay
sa karalitaan…
Sapagkat ang yaman
ang inaaral
ay kapalaluan
sa pakikibagay…
Doon sa hinahamak ninyong kutsero, doon kayo mag-aral
Ng "karangalan."
Sa Isang Pulubi
Salvador R. Barros
Sa tabing lansangan, nang kita’y makita
habag ng puso ko’y nagbangong pagdaka,
ikaw’y nakaluhod, wala kang kasama,
tumataghoy-taghoy sa pangungulila:
larawan ng isang Kawalang pag-asa’t
bantayog ng libong mga Pagdurusa!
Sa lagay mong yao’y ninais ko sana
na ikaw’y limusan ng abot ng kaya,
ngunit ang nangyari’y kaawa-awa ka!
Ako ma’y wala rin kahit isang pera…
Nilalaman(Table
of Contents)
Back to Ferdi's
Homepage