MGA TULANG TUNGKOL SA BAYAN
 
Babala ng Lawin
Cirio H. Panganiban
 
Mga bukang pakpak,
Mga matang uslak-
Mahayap ang tuka, matalim ang kuko-
Buhat sa irurok ay pumapalasong daragitin ako;
Kung ako ang sisiw, sa papaimbulog ay mabibitbit mo…
Ngunit ako’y bayang bayani’t malakas
Na di maaaring gapiin sa dahas,
At sa aking pusong hindi nasisindak
Ay may nagbabagang patalim ang kidlat,
At sa aking dibdib ay may naglalatang na ngitngit ang bagyo-
May bulkan sa diwa, may tabak sa kamay, may dupil sa noo-
Kaya., Mandaragit, huwag mong tangkaing kunin ang Laya ko,
Sapagkat may lintik at may kamatayang kikitil sa iyo!
 
Kung Tuyo Na Ang Luha Ng Aking Bayan
Amado V. Hernandez
Lumuha ka , Aking Bayan; buong lungkot mong iluha
ang kawawan kapalaran ng lupain mong kawawa;
ang bandilang sagisag mo’y lukob ng dayong bandila,
pati wikang minana mo’y busabos ng ibang wika;
ganito ring araw noon nang agawan ka ng laya,
labintatlo ng Agosto nang saklutin ang Maynila.
 
Lumuha ka, habang sila ay palalong nagdiriwang,
sa libingan ng maliit, ang malaki’y may libangan;
katulad mo ay si Huli, naaliping bayad –utang,
katulad mo ay si Sisa, binaliw ng kahirapan;
walang lakas na magtanggol, walang tapang na lumaban,
tumataghoy, kung paslangin; tumatangis, kung nakawan!
 
Iluha mo ang sambuntong kasawiang nagtalakop
na sa iyo’y pampahirap , sa banyaga’y pampalusog:
ang lahat mong kayamana’y kamal-kamal na naubos,
ang lahat mong kalayaa’y sabay-sabay na natapos;
masdan mo ang iyong lupa, dayong hukbo’y nakatanod,
masdan mo ang iyong dagat, dayong bapor, nasa laot!
Lumuha ka kung sa puso ay nagmaliw na ang layon,
kung araw sa langit mo ay lagi nang dapithapon,
kung ang alon sa dagat mo ay ayaw nang magdaluyong,
kung and bulakn sa dibdibmo ay hindi man umuungol,
kung wala nang maglalamay sa gabi ng pagbabangon,
lumuha ka nang lumuha’t ang laya mo’y nakaburol.
May araw ding and luha mo’y masasaid, matutuyo,
may araw ding di na luha sa mata mong namumugto
ang dadaloy, kundi apoy, at apoy na kulay dugo,
samantalang ang dugo mo ay aserong kumukulo;
sisigaw kang buong giting sa liyab ng libong sulo
at ang lumang tanikala’y lalagutin mo ng punglo!
 
Bahay Kubo
Teo T. Antonio
 
Bahay-kubo kahit munti,
Ang halama’y sarisari.
Bubong, dingding gumigiray;
Ang haligi’y di humapay.
Ang singkamas, tubo, talong
Na inimpok sa may silong,
May Kastilang nagkagusto,
Nang kamkami’y todo-todo.
Maging kundol at patola;
Manggang hinog, kahit pinya,
Amer’kano and pumutpot,
Halamanan ay sinimot.
Pati luya at kamatis
O saging mang matatamis,
May Hapones na dorobo,
Ang bakuran ay kianlbo.
Bahay-kubo kahit munti,
Ang halama’y sarisari.
Sarisari ring halimaw
Ang nabundat at nagnakaw.
 

Nilalaman(Table of Contents)
Back to Ferdi's Homepage